MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Land Transportation Office (LTO) ang agarang pagbawi ng lisensya ng tatlong bus driver at dalawang konduktor matapos silang magpositibo sa illegal drugs sa random drug testing sa isang bus terminal sa Pasay City.
Ayon sa LTO, 64 na driver at konduktor ang sumailalim sa paunang drug screening, at lima sa kanila ang nagpositibo sa narcotics.
Isa sa mga nagpositibo ay isang bus driver na dati nang inirereklamo dahil umano sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, na nauwi sa pagbangga ng kanyang bus sa mga barrier sa EDSA sa Quezon City noong nakaraang Mayo.
Ang random drug testing ay alinsunod sa Republic Act 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.”
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, seryosong banta sa kaligtasan ng publiko ang pagmamaneho habang nasa impluwensya ng ilegal na droga, kaya hindi nila papayagang magpatuloy sa pagmamaneho ang mga lumabag.
Dagdag pa ng LTO, ipagpapatuloy nila ang mas mahigpit na random drug testing at inspeksyon sa mga terminal upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at kalsada. RNT/MND