MANILA, Philippines – Tumaas ang presyo ng langis sa pagbubukas ng merkado noong Lunes matapos lumabas ang ulat na hinigpitan ng Estados Unidos ang mga kondisyon nito sa negosasyon sa Iran para sa posibleng pagwawakas ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa ulat, umakyat ng 2.5% ang US benchmark na West Texas Intermediate (WTI) at umabot sa $89.60 kada bariles. Samantala, tumaas din ng humigit-kumulang 2.2% ang Brent crude na umabot sa $93.16 kada bariles para sa August delivery.
Nangyari ito matapos ang linggo kung kailan bumagsak nang mahigit 11% ang presyo ng langis dahil sa pag-asa ng posibleng kasunduan sa kapayapaan na magbubukas muli sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng suplay ng langis sa mundo.
Gayunman, nagpadala si US President Donald Trump ng bagong bersyon ng isang posibleng kasunduan sa Iran na may mas mahigpit na kondisyon sa negosasyon, dahilan ng pagtaas muli ng presyo ng langis sa merkado. RNT/MND