Home HOME BANNER STORY Ilang respondents sa ‘Ateneo hazing case’ kakalusin; ibang student-athletes, mga biktima rin...

Ilang respondents sa ‘Ateneo hazing case’ kakalusin; ibang student-athletes, mga biktima rin – SILG

1
0

MANILA, Philippines – Maaaring alisin ng Department of Justice (DOJ) ang mga student manager, ball boy at iba pang may maliit na partisipasyon sa listahan ng mga respondent sa kasong hazing kaugnay ng pagkamatay ng dalawang student-athlete sa team-building activity sa Aurora noong Hunyo 8, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Nauna nang inirekomenda ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pagsasampa ng kasong hazing laban sa mga miyembro ng Ateneo de Manila University men’s basketball coaching staff, kabilang ang dating head coach na si Tab Baldwin.

“Bagamat ito ang aming naging rekomendasyon, maaari pa ring maalis sa listahan ng kakasuhan ang ilang mga kasama sa aktibidad, lalo kung mapapakita na hindi nila alam ang masamang layon nito,” ani Remulla.

“Ang pinakamahalaga sa amin ay mapanagot ang siyang mga nagplano at sinadyang pahirapan ang mga student athlete,” dagdag niya.

Ayon kay Remulla, maaaring alisin ng DOJ ang ilang indibidwal sa listahan ng mga respondent matapos ang sariling pagsusuri at ituring silang mga testigo.

Ipinaliwanag din niyang sa ilalim ng Anti-Hazing Act, ang presensya ng isang tao sa hazing ay itinuturing na “prima facie” na ebidensya ng kanyang partisipasyon bilang principal.

Sinabi rin niyang may tungkulin ang mga administrador ng paaralan na kumilos “in loco parentis” at dapat matukoy ng mga imbestigador kung nabigo ang mga opisyal ng unibersidad na pigilan ang aktibidad na ikinasawi ng dalawang student-athlete at nagdulot ng trauma sa iba pang kalahok.

Nilinaw din ni Remulla na walang ibang student-athlete na lumahok sa training ang inirekomendang maging respondent.

“Aming nililinaw na wala sa ibang mga student-athlete ang nakitaan ng dahilan upang maging respondent sa kasong aming nirekomenda. Sila ay pawang mga biktima rin ng marahas na training na naganap,” aniya.

Dagdag pa niya, bukod sa legal na pananagutan, nag-iwan din ng matinding emosyonal at sikolohikal na epekto ang insidente sa mga nakaligtas na student-athlete.

Noong nakaraang linggo, inirekomenda ng PNP-CIDG ang pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act laban sa mga umano’y nagplano at lumahok sa hazing, kabilang sina Baldwin, strength and conditioning coaches Grant Dearns at Caesar Vincent Elumba, assistant coaches Dean Caesar Castaño, Sandro Nicholas Soriano at Reynaldo Jacinto Jr., student managers Paolo Manuel Adevoso at Andrew Lorenzo Salud, physical therapist John Eric Rueca, at utility/ball boys Aris Pronce at Joel Rapa.

Nasawi sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa team camp sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here