MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Lunes, Hunyo 29, 2026, ang pag-alis sa ipinatupad na “No Visitation” policy sa Senado ilang linggo matapos isailalim ang institusyon sa heightened alert dahil sa umano’y banta sa seguridad.
Sa isang video message, sinabi ni Gatchalian na maaari nang makapasok ang mga bisita sa Senado sa pamamagitan ng Visitor Management System ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).
“Bilang inyong Senate President, tungkulin kong mapanatili ang katatagan ng institusyon at matiyak ang kaligtasan ng lahat,” ani Gatchalian.
Tiniyak niyang magpapatuloy ang Senado sa pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad upang maprotektahan ang mga senador, empleyado, media, mga bisita, at publiko sa pakikipag-ugnayan sa mga security agency.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang inspeksyon sa mga entry point, pagpapakita ng wastong pagkakakilanlan, at tuloy-tuloy na pagmamanman sa loob ng Senado.
“Kasabay nito, bukas ang aking tanggapan sa anumang mungkahi. Makikinig tayo at sisikaping matugunan ang mga ito, habang tinitiyak ang tamang balanse sa pagitan ng seguridad at accessibility,” dagdag niya.
Isinailalim sa heightened alert ang Senado noong Hunyo 9, dahilan upang pansamantalang ipagbawal ang pagpasok ng mga bisita at ipatupad ang mas mahigpit na seguridad sa loob ng institusyon. RNT