MANILA, Philippines – Patuloy na sumusuporta sa pagsisikap ng gobyerno na mapabuti ang healthcare access sa lahat ng Filipino, pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go, pinuno ng Senate committee on health and demography, ang groundbreaking ceremony ng isa pang Super Health Center sa Samal, Bataan.
Sa kanyang speech, sinabi ni Go na sadyang kailangan ang mga accessible healthcare facilities at ang Super Health Centers ang tugon upang makarating sa mga tao ang serbisyo sa pangkalusugan ng gobyerno.
Ang Super Health Centers ay inaasahang magiging malaking tulong lalo sa mga liblib na komunidad upang ang mga may sakit ay hindi na magpunta sa malalayong ospital o clinic na overcrowded din naman.
“Malaking tulong po itong mga Super Health Center. Napansin ko po sa kakaikot ko sa buong Pilipinas, napakarami pong munisipyo, (mga) 4th class, 5th, 6th class municipalities na walang kakayahang magpatayo ng sariling health center. Ngayon po mayroon na silang Super Health Center at itu-turn over po ito sa LGU,” paliwanag ni Go.
“Sa tulong ng mga kasamahan ko sa Kongreso, LGUs, at DOH, naisakatuparan po itong Super Health Center para ilapit po natin ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan. Buntis, pwede na pong manganak dito. Hindi na po nila kailangang magbyahe pa sa napakalayong mga ospital. Minsan nanganganak na lang po sa tricycle, sa jeepney, ang mga buntis dahil malayo ang ospital. And it will help decongest the hospital po. Dahil ‘pag buntis pwede na po dito, hindi na kailangang pumunta pa sa mga ospital,” anang senador.
Ang groundbreaking ceremony ay dinaluhan din ng local government officials, kinabibilangan nina Bataan Governor Joet Garcia, Representative Geraldine Roman, Samal Mayor Alex Acuzar, Vice Mayor Ronnie Ortiguerra, Board Member Tony Roman, at iba pa.
Ang maibibigay na serbisyo sa mga Super Health Center ay tulad ng database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray and ultrasound), pharmacy and ambulatory surgical unit.
Ang iba pa ay ang eye, ear, nose, and throat (EENT) service, oncology centers, physical therapy and rehabilitation center at telemedicine.
Matapos ang groundbreaking, nanguna rin si Go sa pamamahagi ng ayuda sa 500 indigent residents sa Barangay Tabing Ilog covered court.
Namigay sila ng grocery packs, snacks, vitamins, masks, shirts, shoes, watches, mobile phones, bicycles, at bola ng basketball at volleyball. RNT