Home NATIONWIDE Ilegal na pagawaan ng sigarilyo sa Pampanga, sinalakay ng BOC

Ilegal na pagawaan ng sigarilyo sa Pampanga, sinalakay ng BOC

208
0

MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang hinihinalang ilegal na pabrika ng sigarilyo bunsod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na durugin ang smuggling at protektahan ang kita ng gobyerno.

Nabatid sa BOC na isinagawa ang operasyon noong Enero 28 sa isang bodega sa Lot 2645, Panipuan, Mexico, Pampanga, matapos makatanggap ng ulat ang ahensya tungkol sa umano’y iligal na paggawa ng sigarilyo sa nasabing lugar.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service, at Legal Service ng BOC, katuwang ang Philippine Coast Guard at PNP-CIDG. Tumulong din ang mga opisyal ng barangay sa pagsasagawa ng raid.

Sa paunang imbestigasyon, nadiskubre na walang permit ang bodega para gumawa ng mga sigarilyo. Narekober sa loob ang mga kahon ng sigarilyong may tatak na “Two Moon” at mga makinang panggawa ng sigarilyo na may markang Mighty, H&P, Playboy, at Carnival — patunay umano ng aktibong produksiyon sa loob ng compound.

Ayon sa BOC, kapareho ang mga brand na ito ng mga nakumpiska kamakailan sa Batangas, na posibleng konektado sa mas malawak na sindikato ng ilegal na sigarilyo na iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad.

Pinaniniwalaang smuggled ang mga makina at raw materials dahil wala itong kaukulang import permits o dokumento sa customs. Nakita rin sa paligid ang mga tax stamp na sasailalim pa sa beripikasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) upang matiyak ang lehitimidad at pagbabayad ng buwis.

Naabutan sa loob ng pasilidad ang 6 na lalaking Chinese national, 52 lalaking Pilipino, at 11 babaeng Pilipino na hinihinalang sangkot sa operasyon.

Nakikipag-ugnayan na ang BOC sa Bureau of Immigration upang alamin ang legal na status ng mga dayuhan.

Patuloy pa ang imbentaryo at pagtaya sa halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo, kagamitan, at materyales upang matukoy ang kabuuang buwis, multa, at posibleng kaso sa ilalim ng customs, tax, at immigration laws.

Iginiit ng BOC na paiigtingin pa ang kampanya laban sa smuggling bilang bahagi ng adyenda ng administrasyong Marcos para sa maayos na pamamahala at proteksyon sa ekonomiya.

—Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here