MANILA, Philippines – Pinag-iisipan ng Department of Transportation (DOTr) na ipasara ang isang iligal na bus terminal sa Pasay City at mga katulad na establisimyento sa ibang mga lungsod.
Sa ulat, inilahad ni Transportation Secretary Vince Dizon ang hindi magandang estado ng nasabing bus terminal—mula sa maruming at maliit na banyo, mga pasaherong naghihintay sa ilalim ng makeshift shed na gawa sa tarpulin, kawalan ng cooling fan, at iba pa.
Sinabi ni Dizon na hindi patas para sa mga pasahero na maranasan ang ganitong klase ng pasilidad, lalo na’t ang ilan sa kanila ay nagsabing gumastos sila ng higit sa P2,000 para sa kanilang mga biyahe.
Sa kanyang pagkadismaya, binalaan ni Dizon ang may-ari ng nasabing bus terminal sa Pasay City.
Sinabi ng DOTr na plano nilang magtayo ng isang modernong bus terminal sa Valenzuela City na katulad ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Samantala, inispeksyon din ni Dizon ang PITX at napansin na may mga aspeto pang kailangang pagbutihin o tugunan sa terminal, tulad ng pangangailangan para sa mas maraming comfort rooms, mga dispatchers na nagtitiis sa init ng araw, at kakulangan ng mga signages para sa tinatayang oras ng pagdating sa mga biyahe na may maikling distansya.
Sinabi naman ng pamunuan ng PITX na tinatanggap nila ang mga mungkahi mula sa DOTr. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)