Home NATIONWIDE Imbestigasyon ng PNP sa bomb threat sa Kamara nagpapatuloy – Acorda

Imbestigasyon ng PNP sa bomb threat sa Kamara nagpapatuloy – Acorda

MANILA, Philippines- Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa napaulat na serye ng bomb threat na natatanggap ng mga miyembro at empleyado ng Kongreso.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na nakikipagtulungan na sila sa Kongreso at napagkasunduan na paigtingin ang imbestigasyon at mag-deploy ng canine personnel doon.

Hindi naman direktang sinagot ni Acosta ang tanong kung kasama ang anggulong political sa kanilang iniimbestigahan.

“Well, as of now, everything is… kumbaga we are following up the… all lines na possible na pag-uumpisahan ng investigation,” aniya pa rin.

Sa ulat, inamin ni House Secretary General Reginald Velasco na may mga pagbabantang natatanggap ang ilang kasapi at staff ng Kamara.

Tumangi si Velasco na tukuyin ang pangalan ng House members at staff na nakatangap ng mensahe pero seryoso nila itong tinutugunan para na rin sa kaligtasan ng lahat.

Halimbawa ng pagbabanta ang diumano’y ‘pagpapasabog sa Batasan’ pero ang pinakaseryoso umano ay ang kahina-hinalang pag-iikot ng motorcycles sa premises ng compound.

Dahil dito ay nagpatupad ng paghihigpit sa pagpasok sa Batasan Complex at lahat ng sasakyan, kahit na may issued ID mula sa Kamara ay sumasailalim pa rin sa masusing inspeksyon at pinapasadahan ng bomb-sniffing dog.

Bawal na ring mag-park ng motorsiklo sa harapan ng alinmang gumasali sa loob ng Batasan.

Maging sa deliveries ay hanggang gate na lamang at doon lamang ito pwedeng tanggapin.

Hindi rin masabi ni Velasco kung konektado ito sa mainit na People’s Initiative (PI), maliban sa pagsasabi nitong buwan lamang ng Enero natanggap ang sunod-sunod na pagbabanta. Kris Jose

Previous articleJanno at Bing, magkatabi nang natutulog!
Next articleMeralco may bagong import sa EASL