Home Lotto 6/42 Jackpots IMBESTIGASYON SA PAGGASTOS NG CIF NI VP SARA TINULDUKAN

IMBESTIGASYON SA PAGGASTOS NG CIF NI VP SARA TINULDUKAN

MARAMI ang nanghinayang sa hindi na pagpapatuloy ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na kilala bilang Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon kaugnay sa paggastos ng confidential at intelligence fund ni Vice President Sara Duterte.

Tinuldukan na kasi ni Committee Chair Manila 3rd District Congressman Joel Chua ang imbestigasyon dahil may nakahaing impeachment laban kay VP Sara, bukod pa sa nakabuo na rin sila ng mga ihahaing panukalang batas na siya naman talagang layunin ng kanilang pagsisiyaat.

Sabi ni Chua, dahil may naghain na ng impeachment laban kay VP Sara, hahayaan na lang nila na sagutin ng Bise Presidente ang mga akusasyon kapag umusad ang proseso. Ito aniya ang tamang lugar para dikdikin ng husto ang Bise Presidente at iyon naman ay mangyayari kung matutuloy ang proseso.

Ang problema, marami ang naniniwala na hindi uusad ang impeachment dahil bukod sa gahol na sa panahon, hindi rin pabor ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ituloy pa ito dahil pag-aaksaya lang ito ng panahon para sa mga mambabatas. Sa halip kasi na maasikaso ang mga pangunahing batas na nakabibin sa Kongreso na makatutulong sa pagpapaunlad ng kabuhayan at ekonomya ng bansa, matututok ang atensiyon ng mga senador sa impeachment kung sakali at matuloy ang proseso.

Inaasahan naman na maglalabas na ng kanilang committee report ang Kamara na puwedeng pagbatayan ng Department of Justice o ng alinmang kinauukulang ahensiya para sa pagsasampa ng kaso sa mga taong nasasangkot sa likod na kwestionableng paggastos ng confidential funds.

Tiyak na mababanggit din sa committee report ang reward system ng Duterte Administration sa inilunsad na madugong giyera laban sa iligal na droga na hinihinala na ang bahagi ng reward ay mula sa confidential funds.

Ang isa sa pinanghihinayangan ng marami sa pagtatapos ng imbestigasyon ay ang nabiting pagtatanong kina Col. Dennis Nolasco at Col. Raymund Dante Lachica ng Vice Presidential Security and Protection Group na pinagbigyan daw ng milyon-milyong salapi na na-withdraw sa bangko ng disbursing officers ni VP Sara noong siya pa ang DepEd Secretary at ng kanyang tanggapan.

Dalawang disbursement officers kasi ni VP Sara ang nagturo kina Nolasco at Lachica na pinagbigyan ng milyong halaga ng salapi sa utos daw ng Pangalawang Pangulo.

Sabi ni Chua, ipauubaya na nila sa pamunuan ng Armed Force of the Philippines ang pagsisiyasat sa dalawa nilang opisyal pero marami ang nagtatanong kung magiging patas daw ba ang gagawing imbestigasyon ng Hukbong Sandatahan sa kanilang sariling opisyal?

Siguro naman, hindi ikokompromiso ang AFP ang kanilang integridad para lang pagtakpan ang dalawa nilang opisyal na dikit kay VP Sara pero ang tanong, isasapubliko ba nila ang resulta ng imbestigasyon?