MANILA, Philippines – Hindi dadalo si Presidential sister Sen. Imee Marcos sa campaign sortie ng administration-led ‘Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Tacloban ngayong Biyernes, Marso 14.
Ani Marcos, hindi niya matanggap ang nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Duterte ay inaresto noong Marso 11 sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC).
Ang warrant ay batay sa crimes against humanity na umano’y nagawa sa war on drugs ng kanyang administrasyon.
“Nagpapaumanhin ako sa mga kababayan kong Waray na hindi ako makakadalo sa rally mamaya sa Tacloban,” sinabi ng Senador.
“Hindi ko matanggap ang ginawa kay [former President Rodrigo Duterte],” dagdag pa niya.
“Pinag-aaralan ko ang mga pangyayari upang maliwanagan ang sambayanan; makabuo ng makatotohanang solusyon patungkol sa pagtangay sa dating pangulo,” sinabi ni Marcos.
Kamakailan ay pinabulaanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pag-aresto kay Duterte ay isang uri ng political persecution.
Ayon sa Pangulo, tumugon lamang ang pamahalaan sa commitment nito sa International Criminal Police Organization (Interpol).
Iginiit din ni Marcos na hindi nakipagtulungan ang pamahalaan sa ICC sa kaso ni Duterte.
“We are not communicating with the ICC. They have requested many documents from us, but we did not provide anything,” ani Marcos.
“However, we cannot refuse Interpol when they ask for our help in apprehending this person,” pagpapatuloy niya. RNT/JGC