
MAY iba’t ibang reaksyon na naglalabasan tungkol sa reklamong Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
May nagsasabi na nararapat lamang daw ito para mapanagot siya sa maling paggamit umano ng pondo ng kanyang opisina.
Ngunit marami rin ang nag-aalangan, dahil sa karanasan ng bansa sa Impeachment, nauuwi lang ito sa pagkakawatak-watak ng mamamayan.
Imbes na para sa tunay na reporma, ginagamit lang ang Impeachment ng mga politiko para pabagsakin ang kanilang kaaway.
Nais ng mga nagsampa ng Impeachment kay VP Sara na mapatalsik siya sa poder ngayon pa lamang dahil isa siyang malaking tinik sa mas malaki nilang ambisyon sa pulitika.
Hindi maitatanggi na si VP Sara ay napakalakas na kandidato para sa darating na 2028 Presidential elections.
Ngunit ang pagkapagod sa proseso ng impeachment ay tunay na nararamdaman ng marami—ang paulit-ulit na paggamit dito ay hindi nagbubunga ng inaasahang pagbabago.
Kadalasan, ito ay nagiging isang sarswela, isang awayan ng mga politiko na may kani-kaniyang interes dahil sa pagkasakim sa kapangyarihan.
Ang impeachment dapat ay isang paraan upang mapanatili ang integridad ng gobyerno at tiyakin na ang mga opisyal ng pamahalaan ay mananagot sa kanilang mga aksyon.
Ang mga Pilipino ay gising na sa katotohanang ang pagpapatalsik sa mga lider ay hindi garantiya ng kaunlaran kung ang mga sistemang pampolitika at pang-ekonomiya ay nananatiling bulok.
May mga nagsasabing kahit matanggal man sa puwesto ang isang opisyal, may iba pang papalit na maaaring maging kasing-tiwali o mas malala pa.
Maraming pagkakataon na ang proseso ng Impeachment ay may bahid ng panlilinlang.
Hindi ito laging nakabase sa matibay na ebidensya kundi sa pulitikal na impluwensya at sabwatan.
Malinaw na ang Impeachment kay VP Sara ay isang resbak sa kanyang ama na si dating Pangulong Digong at paraan na rin upang hindi na siya makaporma sa halalan o makabalik ang kanilang pamilya sa poder.