MANILA, Philippines – Maaaring bumoto ang plenaryo ng House of Representatives sa mga reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa ikalawang linggo ng Mayo, ayon kay Manila Third District Rep. Joel Chua nitong Huwebes.
Natukoy ng Committee on Justice noong Miyerkules na may probable cause upang iakyat sa plenaryo ang dalawang reklamong impeachment. Nakatakdang magpulong muli ang komite sa Lunes upang aprubahan ang ulat na ipapasa sa Committee on Rules.
“Siguro second week of May, we will have the voting in the plenary,” ani Chua sa panayam sa isang ulat.
Nagkaisa ang lahat ng 53 miyembro ng Justice Committee sa finding ng probable cause at inaprubahan ang konsolidasyon ng dalawang reklamo.
Ayon sa Konstitusyon, kinakailangan ang boto ng hindi bababa sa isang-katlo o 106 sa 318 miyembro ng Kamara upang maipasa ang articles of impeachment sa Senado.
“We are short of 52 or 53. Siguro konti na lang yan. Insofar as the one-third vote is concerned, medyo mabilis naman makuha iyon,” ani Chua.
Inilarawan ni Chua na “strong” ang kaso laban kay Duterte, ngunit binigyang-diin na maaari ring makaapekto ang pulitika, kabilang ang nalalapit na 2028 national elections kung saan naghayag si Duterte ng intensiyong tumakbo bilang pangulo.
“If it will be based on the evidence, I believe that we have a very strong case. But that is not the whole basis eh,” aniya.
“May pulitika pa, considering that 2028 is just around the corner. So medyo mahirap i-predict ang Senate,” dagdag niya.
Nakabatay ang mga reklamo sa iba’t ibang alegasyon laban kay Duterte, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, at isang sinasabing assassination plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na paulit-ulit na itinanggi ni Duterte.
Ayon sa kanyang defense team, ang finding ng probable cause ay “was not unexpected, given the direction the proceedings had taken.”
Dagdag pa nila, “respectfully maintain that the proceedings before the Committee departed from the constitutional design.”
“Instead of confining itself to the verified complaints and their attachments, the process expanded into matters that properly belong to a full trial,” ayon sa pahayag. RNT