Home OPINION IMPEACHMENT PATUNGO NA SA SEMENTERYO

IMPEACHMENT PATUNGO NA SA SEMENTERYO

SINABI ni House of Representatives Secretary General Reginald Velasco na isusumite na niya sa loob ng linggong ito ang tatlong impeachment complaint sa Speaker of the House.

Ito’y makaraang tila imposible nang magkaroon ng ika-4 na impeachment complaint na lalahukan o isusulong ng 103 kongresman para sa agarang pagsusumite nito sa Senado para sa paglilitis.

Ipagpalagay nang mabilis ding aprubahan ng House Committee on Justice at plenaryo ang impeachment at mabilis ding iakyat sa Senado, kakagatin naman kaya ito agad ng Senado at magbuo ng Impeachment Court para maglitis?

Sa Pebrero 8 hanggang Hunyo 1, 2025, titigil pansamantala o mag-a-adjourn ang sesyon ng buong Kongreso dahil sa halalang 2025 at babalik sila sa Hunyo 2, 2025 hanggang Hunyo 13, 2025 ngunit mag-a-adjourn ulit sila sa Hunyo 14, 2025 hanggang Hulyo 27, 2025.

Sa palagay ba ninyo magtatatag ang Senado ng Impeachment Court at maglilitis may sesyon man o may adjournment ang Kongreso?

Kaugnay nito, 7 sa mga senador ang kandidato para sa reeleksyon at 4 ang matatapos na ang termino sa Hunyo 30, 2025 habang 12 ang matatapos ang termino sa Hunyo 20, 2028.

Sa palagay ba ninyo sasali ang 7 reelectionist sa paglilitis na maaaring aabutin ng ilang buwan sa kasagsagan ng kampanya?

O obligado ba sila ng batas na sumali sa Impeachment Court at paglilitis?

Kung hindi sila obligado, may maiiwang 16 senador na sapat ang bilang para magpasya para i-convict o pawalang-sala ang isinasakdal.

Ngunit lahat ba boboto laban sa isinasakdal?

Ayon umano sa Konstitusyong 1987, kapag umabot na sa House Committee on Justice ang isa o lahat ng nakahaing Impeachment Complaint at tinalakay ito at pinagpasyahan at nakarating man sa Senado o hindi, magsisilbi itong harang sa paghahain ng bagong Impeachment Complaint sa loob ng isang taon.

Hindi nga kaya sa sementeryo patungo ang impeachment?