Home OPINION MILYONES NATARANTA SA BUWAG-USAID

MILYONES NATARANTA SA BUWAG-USAID

NAGSIMULA nang buwagin at pahintuin ang operation ng United States Agency for International Development o US AID.

Kabilang sa mga natatarantaat nanghihinayang dito ang Pilipinas na sa loob ng 60 taon ay binuhusan ng nasa P290 bilyon para sa iba’t ibang programa nito na napakinabangan naman umano natin.

KRIMINAL AT SIRAULO

Magkasama mismo sina Pangulong Donald Trump at Department of Government Efficiency chief Elon Musk sa pagbuwag sa USAID.

Ayon kay Trump, pinatatakbo ang nasabing ahensya ng mga siraulong radical.

Para naman kay Musk, isa itong organisasyong kriminal at hawak ng mga iskalawag na taga-Central Intelligence Agency.

Brutal na tinawag itong “criminal organization” ni Musk.

Inakusahan pa itong gumagamit ng buwis ng mga Amerikano para nagpondo ng bioweapon, gaya Covid-19 na pumatay mismo ng milyong Amerikano at milyong-milyong iba pa.

Kaya dapat na umanong buwagin ito.

GASTOS LANG DIN NANG WALANG PAKINABANG

Para kay Trump, dapat may balik ang USAID para sa Amerika.

Hindi pupwedeng mag-operate ang ahensya nang hindi pinakikinabangan pangunahin ng Amerika.

“America first,” sabi niya.

Kung hindi bubuwagin ang ahensya, magbubuhos lang ang US ng $1 trilyon hanggang sa susunod na taon o 2026, ayon kay Musk.

Kaya kung bubuwagin ito, makatitipid ng $1 trilyon na pakikinabangan ng mga Amerikano.

Napakalaking halaga nga ‘yan na noong 2023 lamang, $43 bilyon ang napunta sa Ukraine.

Bago pinahinto nitong nagdaang araw, may 10,000 empleyado ito at may $40 bilyong pondo para sa nasa 130 bansa, kabilang na ang Pilipinas.

HUMANITARIAN AT DEVELOPMENT

Simula nang itatag ang USAID noong 1961, pangunahin umanong layon nito ang pamimigay ng mga humanitarian at development aid sa mahihirap na bansa.

Habang lumilipas at nagbabago ang panahon, naging aktibo na ang ahensya sa pamimigay ng ayuda sa mga biktima ng digmaan, kahirapan at sakit.

Kasama sa mga aktuwal na binubuhusan ng pondo ang field hospitals sa Thai refugee camps, pagtanggal ng landmines sa mga lugar ng digmaan at gamot sa mga may HIV/AIDS maging sa Pilipinas.

May laan din sa Pilipinas bilang ayuda sa mga biktima ng kalamidad, para sa pag-aalaga sa kapaligiran at risk-reduction program dito, sa laban sa anti-money laundering at suporta sa rule of law, maayos na koleksyon sa buwis at pagpapalago ng negosyo at pamumuhunan.

At umabot na nga ang lahat ng ayudang USAID sa halagang P290 bilyon sa nakalipas na 60 dekada.

Maalaala pala nating galing sa mga Amerikano ang HIV/AIDS sa Pinas at ngayong puputulin na ang USAID, ang libo-libong biktima ng sakit ang umaaray ngayon.

Number one naman sa polusyon sa mundo ang US at katiting lang ang USAID sa pakikipaglaban sa mga kalamidad sa Pinas na bunga ng polusyon.

Tanong ngayon: Talaga bang nakatulong nang malaki ang ahensya sa sambayanang Pilipino para lumaya sila sa kahirapan, sakit, sumpa ng kalikasan at para umunlad na rin?