MANILA, Philippines – Iginiit ni House Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na hindi maaantala ang impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte sa kabila ng plano nitong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028, at tiniyak na ipagpapatuloy ng Kamara ang tungkuling konstitusyonal nito.
“It’s a strategic decision to strengthen her following. Lalo na may mga impeachment complaints na nakahain laban sa kanya. Mabuti din sa kanya para malaman niya kung sino talaga ang mga kakampi niya, kung sino ang hindi niya mga kakampi,” ani Defensor sa panayam sa House reporters matapos ang anunsyo ni Duterte.
Ayon sa kanya, dadaan pa rin sa normal na proseso ang mga impeachment complaint at ire-refer sa House Committee on Justice upang matukoy kung sapat ang mga ito sa porma at substansiya.
“It will not affect how the process will go on in terms of hearing it, in terms of deliberations in the Committee on Justice,” ani Defensor. “I can assure you that as far as the Committee on Justice is concerned that chairman and its members will be objective in hearing and deliberating the impeachment complaints based on the Constitution.”
Pinasubalian din niya ang mga pahayag na maaaring maimpluwensiyahan ang mga mambabatas dahil sa presidential bid ni Duterte.
“No, hindi naman pinipigilan. I don’t see any reason to say na may pumipigil o may nag-influence,” aniya.
Dagdag niya, inaasahang aabot sa Committee on Justice ang mga reklamo ngunit sa ngayon ay wala pang sapat na bilang ng endorsement mula sa mga miyembro ng Kamara upang maiakyat ito sa Senado.
Samantala, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na hindi maaapektuhan ng presidential bid ni Duterte ang tungkulin ng Senado sakaling umabot dito ang impeachment proceedings.
“The senators are expected to be impartial always, no matter who is going to be charged. Kanino mang articles of impeachment at sumampa samin, we are expected to be impartial,” ani Sotto.
Tumanggi rin siyang magbigay ng haka-haka sa maagang anunsyo ni Duterte, at sinabing, “You’re asking me about something na might happen in 2027, October of 2027… Kasi ngayon, everything else is speculation.”
Sinabi rin ni Sotto na wala pang opisyal na talakayan hinggil sa ulat na pinangalanan ng International Criminal Court (ICC) sina Senators Ronald “Bato” Dela Rosa at Christopher Lawrence “Bong” Go bilang co-perpetrators sa drug war ng nakaraang administrasyon.
“So, I’ll cross the bridge when I get there. Are there members who would want the caucus? Then I’ll call the caucus. Pero hindi ko pangungunahan,” aniya.
Samantala, sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na naghahanda ang minority bloc ng resolusyon upang igiit na dapat igalang ang mga korte sa Pilipinas sa mga usaping may kaugnayan sa posibleng arrest orders mula sa international tribunals.
“Ang essence, ang spirit ng ating Constitution ay kung may problema, pwede kang tumakbo sa Philippine Courts,” ani Cayetano.
Sa usapin ng presidential bid ni Duterte, sinabi ni Cayetano na nakatutulong ang maagang anunsyo upang masuri ng publiko ang mga kandidato.
“We’re in a democracy. For me, the earlier na lahat ng kandidato ay mag-announce, better… Of course, I wish her well,” aniya. RNT