MANILA, Philippines – Nilinaw ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na ang mga opisyal nitong mapa at nautical charts ay tumpak na nagpapakita ng maritime jurisdiction ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kabilang ang exclusive economic zone (EEZ), alinsunod sa international law at eksaktong geospatial data.
Sa isang pahayag noong Miyerkules, sinabi ng NAMRIA na pormal nang ginagamit ng pamahalaan ang pangalang “West Philippine Sea” sa mga opisyal na publikasyon mula pa noong 2012.
“In accordance with this policy, NAMRIA places the label consistently across its official maps and charts, including administrative maps, topographic maps, thematic maps, and nautical charts used for navigation,” ayon sa ahensiya.
Ipinaliwanag ng NAMRIA na ang mga mapang ito ay nagsisilbing teknikal na reference materials para sa mga marino, planner, researcher, at mga institusyon sa loob at labas ng bansa upang matiyak ang ligtas na nabigasyon at wastong geographic information.
Sa ilalim ng international law, umaabot hanggang 200 nautical miles mula sa archipelagic baselines ng bansa ang EEZ ng Pilipinas.
“This creates a continuous curved boundary, similar to the edge of a circle, not a polygon made of straight lines,” ayon sa NAMRIA.
Dagdag ng ahensiya, ang maritime boundaries ng bansa ay tinutukoy gamit ang “precise geospatial data derived from the archipelagic baselines defined in RA 9522,” na nagbibigay-daan sa eksaktong pagtukoy ng hangganan sa pamamagitan ng navigation at mapping systems.
Ang RA 9522, na nilagdaan noong Marso 2009, ay ang Philippine Archipelagic Baselines Law na nagtakda ng maritime territory ng bansa alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sinabi rin ng NAMRIA na sumusunod ang kanilang nautical charts sa international hydrographic standards at ginagamit ng mga barkong Pilipino at dayuhan na naglalayag sa mga katubigang sakop ng hurisdiksiyon ng Pilipinas. Isinusumite rin ang mga ito sa international bodies tulad ng International Hydrographic Organization upang maisama ang geographic data ng bansa sa global maritime records.
Tiniyak ng NAMRIA na ipagpapatuloy nito ang paggawa ng tumpak na geospatial information upang suportahan ang pambansang soberanya, kaligtasan sa karagatan, disaster preparedness, at wastong pamamahala ng likas na yaman. Santi Celario