Home NATIONWIDE Impeachment process vs VP Sara ‘di pang-uusig – Bishop Bagaforo

Impeachment process vs VP Sara ‘di pang-uusig – Bishop Bagaforo

79
0

MANILA, Philippines – Binigyang diin ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi persecution.

Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Interreligious Dialogue, mahalaga ang pananagutan, transparency, at pagtalima sa katotohanan ng mga opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Bishop Bagaforo na siya ring convenor ng InterReligious Leaders’ Council for National Transformation, hindi dapat katakutan o husgahan ang impeachment process sapagkat ito ay isang demokratiko at konstitusyonal na mekanismo upang tiyakin na mapanagot ang mga opisyal na pinagkatiwalaan ng kapangyarihan ng mamamayan.

Binigyang-diin ng Obispo, na kung walang kasalanan ang bise presidente, ang proseso ng impeachment ang pinaka-naaangkop na pagkakataon upang malinawan ang publiko at mabunyag ang katotohanan.

Inihayag din ni Bishop Bagaforo ang pagkabahala sa patuloy na mababang ranggo ng Pilipinas sa usapin ng public sector integrity base batay sa ulat ng Transparency International noong 2025, kung saan binanggit ang mga suliranin kaugnay ng korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan, political patronage, at mahinang accountability mechanisms.

Ipinaalala rin nito na bahagi ng obligasyon ng Pilipinas bilang state party sa United Nations Convention against Corruption ang pagsusulong ng integridad, transparency, at pananagutan sa pamahalaan.

Iginiit din ni Bishop Bagaforo na mahalagang pahintulutan ang maayos, patas, at transparent na pag-usad ng proseso upang manaig ang katotohanan at hustisya, na hindi dapat na ituring na isang uri ng destabilisasyon.

“Accountability is not political harassment. Justice is not destabilization. They are the very foundations upon which public trust and national transformation are built,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.

Hinimok naman ni Bishop Bagaforo ang lahat ng sektor ng lipunan na pairalin ang paggalang sa mga demokratikong institusyon at suportahan ang mapayapang pagtalakay sa usapin para sa ikabubuti ng bayan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here