MANILA, Philippines – Inaasahang magsisimula sa Hulyo 6 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng caucus sa mga senador, ayon kay Senador Erwin Tulfo nitong Huwebes, Mayo 21.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ni tTulfo na tinalakay na ni Senate President Alan Peter Cayetano ang proposed schedule sa mga miyembro ng Senado.
“Nagbigay na po ng schedule kahapon. Ipinatawag po ng caucus of all members ni SP Cayetano at July 6 po ang umpisa ng ika nga impeachment trial,” ani Tulfo.
Ayon kay Tulfo, magsasagawa ng regular na sesyon ang Senado ng umaga bago ang pagdinig sa impeachment trial ng hapon, mula Lunes hanggang Miyerkules.
“Monday po, may session kami sa umaga, 10 to 1. At pagkatapos po noon 2 o’clock to sawa ng Monday ay yun na po yung impeachment trial. Tuesday, Wednesday ganun din po. Three o’clock po mag-uumpisa ng hapon hanggang gabi. And then Thursday, puro session lang po,” dagdag pa niya.
Samantala, tinutulan naman ni Tulfo ang proposal ni Senador Rodante Marcoleta na payagan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na bumoto sa impeachment proceedings kahit na hindi ito ‘physically present.’
“Marami po sa amin, kami po sa minorya, hindi po sasang-ayon diyan. Kailangan po physically present,” sinabi ni Tulfo.
Ang remote participation aniya ay pinayagan lamang noong COVID-19 pandemic dahil sa lockdown restrictions.
Samantala, hinihintay pa ng mga senador ang patnubay ni Cayetano at liderato ng Senado kaugnay sa tugon ng kapulungan matapos tanggihan ng Korte Suprema ang hiling ni Dela Rosa para sa temporary restraining order laban sa warrant ng ICC. RNT/JGC