Home NATIONWIDE Impeachment trial, wage hike dapat ituring nang may ‘equal urgency’ – Hontiveros

Impeachment trial, wage hike dapat ituring nang may ‘equal urgency’ – Hontiveros

Ipinagpatuloy ng Senate Justice and Human Rights Subcommittee na pinamumunuan ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros ang kanilang imbestigasyon sa iba't ibang isyu kaugnay ng pagtakas ng tinanggal na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, mga anomalya na kinasasangkutan ang Bureau of Immigration (BI) at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), mga alalahanin tungkol sa espionage, at ang patuloy na problema ng human trafficking patungo sa mga scam compounds. Cesar Morales

MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Risa Hontiveros sa Kongreso na kumilos nang magkatulad na urgency sa panukalang minimum wage hike sa gitna nang pagsisimula ng impeachment trial dahil aabot na lamang sa dalawang sesyon ang 19th Congress dahil parehong kritikal na bagay ito na hindi dapat maisantabi.

“We are down to the wire,” aniya sa statement saka iginiit na hindi dapat maiwan ang deliberasyon sa minimum wage increase.

“Dalawang sesyon na lang ang nalalabi… huwag nating kalimutan ang mga manggagawang minimum wage,” aniya.

Iginiit ni Hontiveros, nag-isponsor sa bersiyon ng Senado sa wage hike bill, na habang mahalaga ang diskusyon sa impeachment, dapat tratuhin nang pantay ang kalagayan ng manggagawang Filipinno na hinahagupit ng implasyon.

“The wage hike means food on the table, school supplies for children, fare for daily commutes,” aniya saka binanggit na maraming manggagawa ang umaasa sa Kongreso na aprubahan ang matagal ang pangako sa pagtaas ng sahod.

Nakatakda sa bersiyon ng Senado ang P100 wage hike para sa pribadong sektor samantalang inaprubahan naman ng Kamara ang P200 pagtaas.

Nanawagan si Hontiveros na simulan ng bicameral conference committee ang pagtalakay sa dalawang bersiyon.

“Pareho namang sumasang-ayon ang Kamara at Senado na panahon na para sa dagdag-sahod. Dapat mag-convene na ng bicam at ipadala na ito sa Malacañang,” aniya.

Nanawagan din si Hontiveros sa Palasyo na gawing certify as urgent ang panukala sa pagsasabing, “Help deliver the long-overdue justice that Filipino workers deserve.” Ernie Reyes