Home NATIONWIDE Comelec: Mga naghahain NG SOCE, matumal

Comelec: Mga naghahain NG SOCE, matumal

MANILA, Philippines – Marami pa rin sa mga tumakbong kandidato noong May 12 elections ang hindi nagsusumite ng kanilang Statement of Contributiond and Expenditures o SOCE sa kabila na dalawang araw na lamang bago ang itinakdang deadline nito.

Umaasa naman ang Commission on Elections (Comelec) na bubuhos ang mga maghahain ng kani-kanilang SOCE sa huling mga araw.

Sa opisyal na listahan na ibinahagi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, nasa walo pa lamang na mga senador ang nakapagsumite ng SOCE kabilang na ang 16 partylist groups at 4 na political party.

Nasa 948 naman na lokal na kandidato na nanalo at natalo ang nakapagsumite na ng kanilang SOCE, kabilang rito ang mga provincial governor hanggang sa miyembro ng sangguniang bayan–mula sa kabuuang mahigit 41,000 na inaasahang magsusumite.

Ang deadline ng paghahain ng SOCE ay sa June 11 kaya naman babala ng Comelec sa mga mabibigong makapagsumite na maaaring maharap sa mga election offense tulad ng diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno, multa at iba pa. Jocelyn Tabangcura-Domenden