MANILA, Philippines – Malapit nang maisabatas ang 25 panukalang batas na naglalayong palawakin ang edukasyon sa buong bansa dahil nakatakda na itong talakayin sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.
Sa panayam, sinabi ni Cayetano, chairman ng Senate committee on higher, technical and vocational education, na layunin ng 13 panukala na gawing state universities ang ilang local colleges sa iba’t-ibang lalawigan.
Kabilang din sa tatalakayin ng Senado ang pagpapalakas sa charter ng Mindanao State University at walong panukalang batas sa pagtatayo ng TESDA training and assessment centers sa ilang rehiyon.
Nakasalang din sa plenaryo ang ilang panukalang pagrerepaso sa planong magtayo ng training centers para sa katutubo sa Nueva Vizcaya.
Nitong nakaraang linggo, ini-sponsor ni Cayetano sa Senado ang ilang panukalang batas para sa higher education.
Kabilang dito ang mga panukalang pagtatayo ng unang state colleges sa Sarangani at Dinagat Islands at gawing state university ang Baao Community College at Aurora State College of Technology.
Inaprubahan ng Senado ang panukala sa ikalawang pagbasa nitong nakaraang linggo.
Kasabay nito, muling nanawagan si Cayetano sa pamahalaan at kapwa mambabatas na dagdagan ang pondo sa lahat state universities at colleges (SUCs) upang matiyak na may sapat na kagamitan at suporta para magampanan ang tungkulin ng bawat institusiyon.
“The more local state universities we have, the more other universities will be decongested. If we have more state universities quality education will be made more accessible,” aniya.
Isasagawa ang pagtalakay ng panukala sa plenaryo kasama ang Senate Committees on Local Government, Ways and Means, at Finance.
Sa parehong araw, magsasagawa rin ng subcommittee hearing para imbestigahan ang umano’y hindi awtorisadong off-campus activity ng Bestlink College.
Ayon sa mga ulat, nalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga estudyante at nagdulot ito ng matinding problema sa kanilang biyahe at ibang logistical na usapin. Ernie Reyes