Home HOME BANNER STORY Import ban sa Greek goods, ikinasa ng Pinas vs banta ng FMD

Import ban sa Greek goods, ikinasa ng Pinas vs banta ng FMD

44
0

MANILA, Philippines – Nagpatupad ang Department of Agriculture (DA) ng pansamantalang pagbabawal sa pag-angkat ng mga buhay na hayop at produktong hayop mula sa Greece matapos makumpirma ang mga kaso ng foot-and-mouth disease (FMD) sa nasabing bansa.

Ipinatupad ang pagbabawal sa pamamagitan ng Department Circular No. 20 matapos mag-ulat ang Greece ng FMD cases sa mga alagang tupa sa Lesvos noong Abril 6.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng hakbang na protektahan ang sektor ng paghahayupan ng bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang pag-iingat laban sa pagpasok at pagkalat ng mga transboundary animal diseases.

Isinuspinde ng circular ang pag-isyu ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa mga apektadong produkto at ipinag-utos ang mas mahigpit na inspeksyon sa lahat ng pantalan.

Kabilang sa mga ipinagbabawal ang skeletal muscle meat, live swine, bovines, at hindi ginawang pasteurized o untreated milk. Gayunman, maaari pa ring payagan sa ilalim ng mahigpit na kondisyon ang ilang processed goods na itinuturing na “safe commodities” ayon sa international standards.

Maaaring payagan ang mga kargamentong nasa transit bago ang bisa ng circular, kung ang mga ito ay ginawa o kinatay noong o bago Pebrero 28 at sumusunod sa umiiral na mga alituntunin. Ang mga hindi susunod ay kukumpiskahin o aaksyunan batay sa umiiral na regulasyon.

“This circular is a critical and proactive step to shield our country from the potentially devastating effects of foot-and-mouth disease,” ayon kay Tiu Laurel.

“By enforcing a temporary ban and tightening import controls, we aim to protect the health of our livestock, ensure food security, and preserve the stability of our agricultural economy,” dagdag niya.

Ayon sa DA, regular na rerepasuhin ang restriksyon depende sa mga pandaigdigang pag-unlad sa mga sakit ng hayop.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here