TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapalawig pa nito ang pagbabawal sa pag-import ng mga pulang sibuyas dahil nananatiling stable ang supply ng mga lokal na sibuyas.
“As of the moment, hindi talaga kailangang mag-import ng onions… For now, until August,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa isang ambush interview.
Ayon kay Sec. Tiu Laurel ang umiiral na import ban ay nakatakdang mag-expire sa katapusan ng Hulyo.
”We’re monitoring everything closely, day-to-day iyan. So I guess, we would be extend on a monthly basis,” sabi nito.
Siya, gayunpaman, ay nagbabala sa mga walang prinsipyong mangangalakal na maaaring “potensyal” na samantalahin ang sitwasyon.
“Baka mayroon diyang unscrupulous na traders o businessmen na baka mag-tighten na mag-release ng” sabi ni Tiu Laurel.
Nauna rito nitong Hulyo 5, ang bansa ay mayroong 152,839.25 metric tons (MT) ng red onions, 10,601.42 MT ng yellow onions, at 63 MT ng shallots, ayon sa DA.
Ang imbentaryo ng sibuyas sa bansa ay maaaring tumagal ng walong buwan o hanggang Pebrero 2025.
Ang umiiral na presyo ng lokal na pulang sibuyas sa Metro Manila ay nasa pagitan ng P80 at P150 kada kilo para sa pulang sibuyas at P60 hanggang P130/kg para sa puting sibuyas. (Santi Celario)