MANILA, Philippines- Nagdulot ng tensyon ang bomb scare malapit sa Church of God International sa Quiapo, Manila Martes ng umaga.
Subalit, agad itong naresolba ng mga kinauukulan at nakumpirna ng mga awtoridad na hindi mapanganib ang mga bagay na natagpuan.
Bandang alas-7:56 ng umaga nitong Martes, natuklasan ni Glenn John Reyes, 44-anyos na maintenance worker mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ang apat na kahina-hinalang bagay na nakabalot sa tape habang nililinis ang drainage sa kahabaan ng Quezon Boulevard, malapit sa simbahan.
Agad niyang iniulat ito sa Manila Police District (MPD) Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) na nag-relay naman sa MPD Sta. Cruz Police Station, para maimbestigahan.
Inalerto rin ang Department of Explosive and Chemical Unit (DECU) ng MPD.
Pagdating sa lugar, nag-ispeksyon ang mga awtoridad, katuwang ang isang K9 unit.
Pagkatapos ng masusing pagsusuri, natukoy nila na ang mga bagay ay hindi bomba at hindi nagdulot ng banta.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ang mga lokal na negosyo sa lugar na manatiling alerto.
Opisyal na ring idineklarang ligtas ang lugar at walang karagdagang aksyong kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden