SAN FRANCISCO- Pumayag ang Google na burahin ang search data upang maplantsa ang kaso kung saan na-track nito ang milyon-milyong US users na nag-akalang pribado ang pag-browse nila ng internet.
Sakaling aprubahan ng hukom ang panukalang kasunduan na inihain noong Lunes sa San Francisco federal court, dapat burahin ng Google “and/or remediate billions of data records” ng mga indibidwal na gumagamit ng incognito mode ng Chrome browser, ayon sa court documents.
“This settlement is an historic step in requiring dominant technology companies to be honest in their representations to users about how the companies collect and employ user data, and to delete and remediate data collected,” pahayag ng abogadong si David Boies sa paghahain ng settlement.
Nakatakda ang hearing sa July 30 sa pangangasiwa ni Judge Yvonne Gonzalez Rogers, na magdedesisyon kung aaprubahan ang kasunduan kung saan makalulusot ang Google sa paglilitis sa class-action suit.
Ipinanawagan ng settlement na walang babayarang cash damages subalit may opsyon ang Chrome users kung maghahain ng hiwalay na kaso laban sa Google.
Orihinal na isinampa ang kaso noong June 2020, kung saan inihirit ang halos $5 bilyong danyos.
“We are pleased to settle this lawsuit, which we always believed was meritless,” pahayag ni Google spokesman Jorge Castaneda.
“We are happy to delete old technical data that was never associated with an individual and was never used for any form of personalization.”
Kaugnay ang kaso ng “Incognito Mode” sa Chrome browser na ayon sa plaintiffs ay nagbigay sa users ng “false sense” na hindi nata-track ng Silicon Valley tech firm ang kanilang online searches.
Subalit, napag-alaman sa internal Google emails na isiniwalat sa lawsuit na sinusundan ang users na gumagamit ng incognito mode ng search at advertising behemoth para sa pagsukat ng web traffic at pagbebenta ng ads.
Giit sa lawsuit na inihain sa California court, nilabag ng aksyon ng Google ang privacy ng users sa pamamagitan ng umano’y sadyang panloloko nito gamit ang incognito option.
Inakusahan ang Google sa orihinal na reklamo na binigyan umano ito ng “power to learn intimate details about individuals’ lives, interests, and internet usage.”
“Google has made itself an unaccountable trove of information so detailed and expansive that George Orwell could never have dreamed it,” anito pa.
Sa inihaing settlement, inaatasan ang Google, sa susunod na limang taon, na awtomatikong i-block ang third-party tracking “cookies” sa Incognito Mode. RNT/SA