Manila, Philippines- Posibleng maharap sa mga kasong treason at espionage ang mga opisyal at partners ng Infinitus Marketing Solutions Incorporated na sinasabing sangkot sa troll farm operations sa bansa.
Sa press briefing, sinabi ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones chairman Francis Tolentino na partikular na pwedeng kasuhan ng treason ang mga aktibong partner ng korporasyon habang espionage ay pwedeng kaharapin ng mga Chinese na opisyal nito.
Ipinaliwanag ni Tolentino na malinaw ang pakikipagtulungan ng korporasyon sa foreign government upang pabagsakin ang ating sistema.
Bagaman ito umano’y sa digital space ginagawa, maituturing pa rin itong paglabag sa soberanya ng ating bansa at ng ating institusyon na maituturing na highest form of betrayal.
“Yung sa kanila ngayon, treason and then siguro with the appropriate government agency, kung totoo itong Securities and Exchange Commission, can ask for the cancellation of the articles of incorporation, etc.,” saad ni Tolentino.
“Kasi collaborating with the foreign government to put down our system. And it’s ongoing. Even though in a digital space, it undermines the sovereignty of our country, our institutions, as well as society itself it is the it is the highest form of betrayal towards flag,” paliwanag pa nito.
Sa kabila ng pagtanggi ng korporasyon, kumbinsido pa rin si Tolentino na malaki ang kinalaman nito sa mga naglipanang disinformation at misinformation na layung sirain ang mga kumakalaban sa China. RNT