SA mga nagaganap na kaguluhan o giyera ngayon sa ibang bansa gaya ng France, Nepal, Indonesia, Qatar, Saudi Arabia, Egypt, at Israel, dapat tuloy-tuloy ang pagkilos ng pamahalaan upang kalingain ang mga Pinoy, overseas Filipino workers, turista at iba pa roon.
May 50,000 na Pinoy sa France, 7,500 sa Indonesia, 128 sa Nepal, 260,000 sa Qatar, 30,000 sa Israel, 2,125 sa Egypt at 725,893 sa Saudi Arabia.
Mahigit 1 milyon lahat silang Pinoy na dapat protektahan at ilagay sa mga ligtas na kalagayan at lugar ng pamahalaang Pilipinas.
SA INDONESIA
Sa Indonesia, humupa-hupa na ang madugong rallies na ikinamatay ng nasa 11 katao, pagsunog sa gusaling Parliamento, bahay ng mga politiko at istasyon at sasakyan ng mga pulis, umuusok pa rin ang sitwasyon.
Kahilingan ng mga mamamayan ang imbestigasyon sa mga karahasan at paglabag sa karapatang pantao mula sa pamamamaril ng mga pulis at sundalo sa mga raliyesta, pagtigil ng pagdeploy ng mga sundalo laban sa mga rally, transparency sa pambansang badyet at pagtaas ng sahod ng mga obrero.
Pinatigil na Indonesia President Prabowo ang biglang pagtaas ng sahod, allowances at libreng pagbiyahe abroad ng mga mambabatas ngunit hindi pa natutugunan ng pamahalaan ang ibang mga kahilingan.
SA NEPAL
Sa Nepal, medyo humuhupa na ang sitwasyon na ikinamatay ng mahigit 30 katao at ikinasugat ng mahigit 1,000 nang pagbabarilin sila ng mga pulis at sundalo sa kasagsagan ng rallies.
Bukod sa madugong rallies, nag-resign na rin si Prime Minister Prime Minister Khadga Prasad Sharma Oli habang namatay ang asawa nito sa bahay nila na sinunog ng mga raliyesta at kasama rin sa mga pinagsusunog ang gusali ng Kongreso nila at iba pa.
Ni-rally ng mga mamamayan, kasama ang mga GenZ na pinipilit na tanggalan ng paggamit ng social media, ang gobyerno dahil sa korapsyon at paghawak o pag-angkin sa yaman at gobyerno ng iilang magkakamag-anak.
SA FRANCE
Daan-daang libo naman ang nagra-rally laban sa pamahalaan sa France sa pagkaltas nito ng $50 bilyon sa pambansang badyet na ikinawala ng maraming benepisyo para sa kalusugan, pagpapatigil ng pensyon ng mga pensyonado at pagtanggal ng dalawang national regular holiday na pinakikinabangan ng mga obrero laban sa kahirapan.
Anila, gumagastos ang pamahalaang France ng bilyon-bilyong dolyar bilang tulong-militar sa Ukraine laban sa Russia at hindi binubuwisan ang mayayaman at silang mamamayan ang pinagdidiskitahan.
SA QATAR
Binomba ng Israel mismo ang Doha, punong lungsod ng Qatar habang nagmimiting umano ang mga pinuno ng Hamas na kalaban ng Israel na ikinamatay ng nasa 6 katao at ikinawasak ng ilang gusali roon.
Ngayon, kumukulo ang sitwasyon sa posibleng pagsiklab ng digmaan kung gaganti ang Qatar na nagsabing trinaydor din sila ng United States sa hindi pagbibigay ng babala sa kanila.
Ngayon, nagkasundo ang Egypt at Saudi Arabia laban sa Israel kung matutuloy ang digmaan laban sa Israel.
Tuloy-tuloy naman ang laban ng Israel at Houthi ng Yemen at pabangis nang pabangis ang pag-missile ng Houthi sa Israel na may ganting pagbomba ng Israel.
Dapat isama ang mga ito na aksyunan ng pamahalaan at hindi lang ang maiskandalong mga anti-flood projects.






