Home NATIONWIDE Inside job sinisilip sa panloloob ng mga parak sa bahay ng Bulacan...

Inside job sinisilip sa panloloob ng mga parak sa bahay ng Bulacan businessman

MANILA, Philippines- Sinisilip ng mga imbestigador ang posibleng inside job sa pagnanakaw kamakailan sa tahanan ng isang negosyante sa Bulacan, kung saan pitong pulis ang idinidiin.

Sa press briefing sa Camp Crame sa Quezon City nitong Biyernes, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo na tatlo sa pitong suspek– Maj. Armando Reyes, 55, nakatalaga sa Hagonoy Municipal Police Station; S/Sgt. Anthony Ancheta, 48, ng Malolos City Police Station; at Senior M/Sgt. Ronnie Galion, 43, ng Sta. Maria Municipal Police station– ang kasalukuyang nasa ilalim ng restrictive custody ng Bulacan Police Provincial Office.

Kinasuhan sila ng robbery sa prosecutor’s office.

“’Yung tinitingnan natin ngayon na ‘yung isa sa tatlo ay kakilala nung mga biktima and possibly, siya mismo ang ulo dito sa nangyaring pagnanakaw dahil lumalabas sa initial investigation ay malapit nga itong isang pulis na ito doon sa mga biktima na maaaring nagamit na information na masagawa nila itong pagnanakaw sa mga biktima natin,” paglalahad ni Fajardo.

Binawi na ang mga armas ng tatlong pulis habang nagsasagawa naman ang PNP Internal Affairs Service ng imbestigasyon sa posibleng administrative charges.

Wika pa ni Fajardo, ikakasa ang manhunt para sa apat pang hindi natukoy na suspek.

Batay sa ulat, pinasok ng pitong suspek ang compound ng biktimang si Esmeraldo Magbitang Jr., 40, isang negosyante at pharmaceutical supplier sa Barangay Borol 2nd sa bayan ng Balagtas, bandang alas-10 ng umaga nitong Miyerkules.

Nagpanggap silang humihingi ng financial assistance, saka biglang bumunot ng mga baril at nagdeklara ng holdup.

Sinabi ng biktima na nilooban ng mga armadong kalalakihan ang kanyang bahay at tinangay ang mobile phones, bags, gadgets at hindi pa matukoy na halaga ng pera.

Naaresto ang tatlo sa isang follow-up operation nitong Huwebes. RNT/SA