Home NATIONWIDE ‘Instant attorneys’ sa social media, sinita ni Tulfo

‘Instant attorneys’ sa social media, sinita ni Tulfo

MANILA, Philippines – Binatikos ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo ang negatibong komento sa social media tungkol sa pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.

Sa isang pahayag sa Tacloban City, iginiit niyang inosente si Duterte hangga’t hindi napatunayang may kasalanan at hinimok ang publiko na hayaang umusad ang proseso ng hustisya.

“Former president Rodrigo Duterte remains innocent until proven guilty,” ani Tulfo.

“Unfortunately may mga nababasa po ako sa social media na ‘Tama lang yan,’ etc. Doon ho nag-aaway yung dalawang grupo,” aniya patungkol sa pro at anti-Duterte group.

Pinuna rin niya ang mga netizens na nagkukunwaring “instant attorneys,” kagaya ng mga naging “doktor” noong pandemya at “engineer” matapos ang ilang sakuna.

“Noong panahon ho ng covid lahat naging doctor. Noong bumagsak po yung tulay sa Cabagan (Isabela), lahat naging engineer. Ngayon naman po lahat attorney. Kahit hindi pa nga nakapagtapos, nakapag-aral, lahat ay attorney na, may opinyon,” aniya.

“Hayaan ho matin at mag-observe na lang ho tayo dahil lahat naman po tayo ay mga miron,” payo naman niya sa mga Pinoy.

Nanawagan siya sa mga Pilipino na iwasan ang pagkalat ng opinyong nagpapalala sa sitwasyon at sa halip ay pagtuunan ng pansin ang mas mahahalagang isyu tulad ng ekonomiya, kalusugan, at katiwalian. Gail Mendoza