MANILA, Philippines – Ikinumpara ni dating Bise Presidente Leni Robredo ang pagkakakulong nina dating Senador Leila de Lima at dating Pangulong Rodrigo Duterte, binigyang-diin ang malaking pagkakaiba sa kanilang trato.
Sa isang press conference sa Naga City, binanggit niya na si De Lima ay halos pitong taon nang napiit sa ilalim ng mahigpit na kondisyon dahil sa pekeng kasong droga, habang si Duterte, na inaresto sa ilalim ng warrant ng ICC dahil sa mga krimen laban sa sangkatauhan, ay nakakulong sa mas maayos na pasilidad sa The Hague.
“I can’t help but compare ‘yung sitwasyon ngayon ni dating Pangulong Duterte saka sitwasyon ni Senator Leila before,” ani Robredo.
“Hindi nya kinuwestiyon ‘yung due process. She had to go through everything. So, kahit mali ‘yung mga paratang sa kanya, lahat iyon hinarap,” aniya pa.
Ayon kay Robredo, may access si Duterte sa computer at maaaring tumanggap ng mga dalaw, na parehong ipinagkait kay De Lima noong siya ay nakakulong.
“He can really roam around. Merong mga conjugal and family visits na pwedeng i-entertain, maluwag,” giit pa niya.
Sa kabila ng pagiging senador, wala siyang access sa computer o telepono at kinakailangang isulat nang kamay ang mga opisyal na dokumento. Bukod pa rito, nalagay rin sa panganib ang kanyang buhay nang siya ay gawing hostage sa loob ng piitan.
Habang inirereklamo ng kampo ni Duterte ang kakulangan umano ng due process sa kanyang pag-aresto, iginiit ni De Lima na naaayon ito sa batas ng Pilipinas.
Ipinunto niya ang Republic Act 9851, na kumikilala sa hurisdiksyon ng ICC at nagpapahintulot sa gobyerno ng Pilipinas na ipasa ang isang akusado sa naturang hukuman. Idinagdag niya na nananatili ang kapangyarihan ng ICC sa mga krimeng ginawa habang miyembro pa ang bansa nito. RNT