MANILA, Philippines – Kukuwestiyunin ni Senador Sherwin Gatchalian ang bilyong pondo ng Marcos administration sa intelligence funds na nakalat sa law enforcement agencies at Office of the President kung bakit hindi nalaman ang pagtakas ni Alice Guo.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, isa sa nangungunang nag-iimbestiga sa Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) kasama ni Senador Risa Hontiveros, na kanyang hahamunin ang intelligence funds ng law enforcement agencies dahil sa failure of intelligence sa pagtakas ng grupo ni Guo Hua Ping, na kilala rin bilang Alice Guo, nang hindi nalalaman ng awtoridad.
“Talagang may pagkukulang ang ating mga law enforcement agencies pagdating sa intelligence. Kapag tatalakayin na ang kanilang mga budget para sa 2025, tatanungin ko talaga ang mga ahensyang ito kung paano ginagastos ang kanilang intelligence funds at kung paano sila bumuo ng isang mahusay na intelligence network,” ayon kay Gatchalian.
Dapat, natuklasan ng intelligence community, gamit ang intelligence funds, ang kinaroroonan ni Alice Guo pagkatapos ng kanyang huling pagharap sa pagdinig ng Senado noong Mayo 22, ayon sa chairperson ng Ways and Means Committee.
“Malaya silang nakalipat ng iba pang lugar o nakarating ng pantalan. Ano ang nangyari doon sa network na binuo ng enforcement agencies?” tanong ni Gatchalian, matapos ang pahayag ni Sheila Guo, na isa pa lang Chinese national na may pangalang Zhang Mier.
Sabi ni Shiela Guo, nakaalis sila ng bansa sa pamamagitan ng hindi natukoy na daungan sa Luzon.
“Dapat may managot, may kuntsabahan man kapalpakan ng intelligence,” sabi ni Gatchalian.
Pinuna rin niya ang mabagal na proseso ng pagsasampa ng kaso laban kay Alice Guo kabilang ang kasamahan na responsable sa ilegal na POGO.
Ipinunto niya na kung hindi naglabas ng arrest order ang Senado at Kamara, hindi sana humaharap ngayon sina Sheila Guo at Katherine Cassandra Ong sa mga pagdinig.
“Sana’y natuto na tayo sa mga nangyari, kaya mahalagang mabilis ang aksyon ng ahensya sa pangangalap ng ebidensiya para na rin sa agarang pagsasampa ng kaso,” aniya.
“Importante na mapanagot natin ang mga taong responsable sa krimen na nangyayari sa POGO,” pagtatapos niya. Ernie Reyes