PARA higit na maunawaan at maiwasan ng publiko ang sakit na mpox ay naglabas ng panibagong guidelines ang Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Department Memorandum No. 2024-0306 na pirmado ni Secretary Teodoro Herbosa.
Sa walong pahinang DM, inatasan ng kagawaran ang lahat na sundin ang “standard minimum precautions” para makaiwas sa mpox, kabilang ang mga sumusunod:
– Iwasan ang malapitan at intimate contact gayundin ang “skin-to-skin contact” kabilang ang pagtatalik, halikan, at yakapan sa mga indibidwal na maaaring suspect, probable at kumpirmadong may kaso ng mpox.
Kung hindi maiiwasan ang close contact katulad sa kaso ng caregivers, dapat na sundin ang mga tamang pamamaraan sa pag-iwas at pagkontrol ng nasabing karamdaman katulad ng paggamit ng nararapat na personal protective equipment (PPE).
– Gawing madalas ang tamang paghuhugas ng mga kamay gamit ang alcohol-based hand rub o hand-washing soap.
– Linising mabuti ang mga kagamitan at mga lugar na posibleng nakontamina o nahawakan ng taong pinaghihinalaang may mpox.
– Iwasan din ang close contact sa mga hayop partikular sa mga mammals na maaaring dinapuan ng virus kabilang ang mga may sakit o namatay na mga hayop sa mga lugar na may kaso ng mpox.
Ang lahat ng nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan ay inaatasan na magkaroon ng mataas na antas ng paghihinala para sa mpox kapag sinusuri ang mga indibidwal na may hindi maipaliwanag na pantal, mga sugat sa mucosal, o pamamaga ng kulani.
Inaatasan din silang ipagbigay-alam sa DOH ang anomang hinihinalaang kaso, posibleng kaso, o kumpirmadong kaso sa loob ng 24 oras mula sa pagkakatuklas. Ang lahat ng hinihinalaang kaso at posibleng kaso ng mpox ay dapat isailalim sa pagsusuri para sa kumpirmasyon sa laboratoryo ng monkeypox virus (MPXV).
Ang kanilang mga nakasalamuha ay dapat ding bantayan o dapat magsagawa ng sariling pagmamatyag para sa anomang senyales o sintomas sa loob ng 21 araw mula sa huling pakikipag-ugnayan sa hinihinalaang kaso, posibleng kaso, o kumpirmadong kaso o sa kanilang mga kontaminadong materyales. Ang mga may mataas na panganib para sa mga komplikasyon, tulad ng maliliit na bata, mga buntis, at ang mga may immunosuppressed na kondisyon, pati na rin ang mga may malubha o kumplikadong mpox, ay dapat ipasok sa mga ospital.
Pagseseguro ni Secretary Herbosa, ang DOH ay dumaan sa siyentipiko at masusing pag-aaral ang bagong guidelines. Ito aniya ay ginawa ng mga Filipino na may malawak na kaalaman at karanasan sa komunidad at sa internasyunal na pagresponde.
Sa kasalukuyan ay nasa 14 na ang mga kaso ng mpox sa bansa simula July 2022 kung saan siyam ang magaling na noon pang 2023 at lima ang aktibong kaso na patuloy na inoobserbahan hanggang sa mawala ang mga sintomas.
Kabilang sa mga sintomas ay ang pagkakaroon ng pantal o sugat sa mucosal na maaaring magtagal ng dalawa hanggang apat na Linggo. Sinasabayan ito ng pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo at katawan partikular ng likod, panghihina, at pamamaga ng kulani.
Pagbibigay diin ng DOH, lahat ay maaaring tamaan ng mpox, pero hindi ito isang airborne disease kundi nalilipat sa “close and intimate contact” at paghawak o paggamit ng kontaminadong kagamitan ng taong may mpox katulad ng damit, kutsara o sa pamamagitan ng hayop.