IPINAGYAYABANG ng lahat ng ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mabilis ang kanilang aksyon sa mga reklamong kanilang natatanggap. Kaagad na binibigyang solusyon ang inilalapit sa kanilang problema ng mamamayan.
Sa Department of Labor and Employment, Department of Health, Department of Migrant Workers, Department of Transportation, Department of Energy, Department of Interior and Local Government at iba pang tanggapan na tinatawagan ng pansin ay kaagad na kumikilos sapagkat ibang-iba na nga ang gobyerno sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Kaya naman tinatawagan ng pansin ng inyong Pakurot ang Department of Justice na sana ay matulungan ang mga nanghihingi ng hustisya para sa mga kasong kanilang isinampa sa piskalya.
Isang halimbawa na ay ang kaso nang pagkamatay ni Manuel Bascuguin Jr., empleyado sa motorpool ng munisipyo ng Balayan sa Batangas noong Hulyo 12 kung saan ay nagulungan ito ng payloader na pag-aari rin ng munisipyo na pinamumunuan ni Mayor JR Fronda.
Naisampa ang kaso laban sa kapwa empleyado ng nasawi araw ng Martes dahil na rin sa mabagal na pagkilos ng mga pulis na noong una ay ayaw kumilos dahil hindi nila alam kung sino ang sasampahan ng kaso. O dahil natatakot sila sapagkat batid nila na may dapat managot sa munisipyo sa pagkamatay ng empleyado ng motorpool.
Naisampa nga ang kaso sa Balayan Prosecutor’s Office subalit malapit na magdalawang buwan mula nang mangyari ang pagkamatay ay hindi pa rin napadadalhan ng subpoena ang nagsampa ng reklamo laban sa suspek na siyang iniipit sa pagkamatay ng kasama niya sa trabaho.
Panawagan kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sana ay mabigyang pansin ang mga kasong naisampa sa piskalya na hanggang ngayon ay hindi nabibigyang aksyon at natutulog pa sa tanggapan ng piskal na dapat sana ay umaaksyon na kaagad sa kaso upang hindi na ito maisama pa sa nakatambak na lang sa kani-kanilang mga tanggapan.
Alam naman ni Justice Remulla ang kasabihan “Justice delayed is justice denied” kaya sana lang ay maipag-utos niya o kahit ng kanyang mga undersecretary ang pagpapabilis ng mga kaso na naisampa sa piskalya. Mapabilis lalo na iyong mga nasa lalawigan na marami pang dinaraanan na proseso o opisina bago maitalaga sa isang piskal na dapat ay nagrereview nito.
Siyempre, ayaw ni Pangulong Marcos na mapuna o mabatikos ang kanyang pamunuan lalo’t ipinagyayabang niya na sa “Bagong Pilipinas” lahat kontento at walang reklamo.