HINAHANGAAN ko si Willie Revillame sa kanyang tamang pasya at wastong desisyon na magpatuloy muli sa showbiz entertainment kung saan siya nakilala sa larangang ito at bihasa sa industriyang ito.
Sa kabilang banda, sa usapin naman ng pulitika sa ating bansa ngayon, ang karamihan sa mga botante natin ay tila tumitingin na lamang sa sikat na personalidad kaya kung ikaw ay sikat na artista o pamosong manlalaro ay may posibilidad kang manalo sa eleksyon.
Noong bata pa ako ay nadirinig ko sa mga matatanda sa aming pamilya noon na tunay na kahanga-hanga ang Senado at sadyang magagaling talaga ang mga senador noon.
Naririnig ko sa usap-usapan ng mga matatanda noon na bago ang mag-Martial Law noong 7th Congress (1970 – 1973) kapag sinabing statesmen nangunguna ang mga pangalan ng mga senador na sina Gil Puyat, Gerardo Roxas, Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., Jose “Pepe” Diokno, Salvador Laurel, Ramon Mitra, Jr., Sergio Osmeña, Jr., Jovito Salonga at Lorenzo Tañada.
Matapos ang EDSA People Power Revolution noong 1986 ng muling nabuksan ang Senado, naisilang at may isip na ako noon sa panahon ng 8th Congress (1987 – 1992), nasa elementary na ako niyan at mahilig talaga ako sa history at current events. Kaya pala, naging radikal na aktibista ako noong nasa kolehiyo. Ha! Ha! Ha! (Wow! -Ed)
Tandang-tanda ko pa ang maituturing na tunay na statesman sa Senado na pawang magagaling ay sina Neptali Gonzales, Teofisto Guingona, Jr., Wigberto Tañada, Heherson Alvarez, Edgardo Angara, Ernesto Herrera, Jose Lina, Jr., Raul Manglapus, Vicente Paterno, Aquilino Pimentel, Jr., at Rene Saguisag.
Sa ngayon, para sa aking sariling opinyon iilan na lamang sa Senado ang tunay na statesman at magagaling at halos iilan na lamang ang naninindigan para sa tama at mabuti at lumalaban sa mali at masama sa pangunguna nina Senator Risa Hontiveros at Senator Win Gatchalian na naninindigan laban sa POGO’s at ipaglaban ang West Philippine Sea at iba pang isyung bayan.
Nawa’y matuto na ang sambayanang Pilipino para sa eleksyon sa Mayo 2025 at nawa’y makapaghalal na sila nang tunay na may prinsipyo para sa katotohanan, katarungan at katuwiran sa lahi at lipunang Pilipino. Ibalik natin ang totoong mga stateman ng Senado.
Marami na ang pumoporma na kakandidato, ngunit ako bilang na bilang lamang sa daliri ang napupusuan ko. Ito ay sina Atty. Chel Diokno, dating Senador Kiko Pangilinan, dating Senador Bam Aquino at Rep. France Castro. Doon ako sa mga tunay na prinsipyado at totoong makabayan. (Palagay ko nga nakabilang ka sa mga aktibista na nahikayat ng mga makakaliwa. Ha! Ha! Ha! JK – Ed)