KUNG may mainit na labanan sa pagka-kongresista ang sinusubaybayan sa Northern Metro Manila, ito ay ang Egay Erice vs Mitz Cajayon return bout.
Para sa ‘di pa nakakaalam, ang dalawa ay tatlong beses nang nagharap – una, noong halalan ng 2007 na napagwagian ni Cajayon pero tinalo ni Erice sa 2013 at 2016 elections.
Mula sa dalawang beses na olats ay nakabalik bilang kongresista ng 2nd district si Cajayon nguni’t natalo si Erice sa piniling takbuhan na pagka-alkalde noong 2022 election.
Sa ika-apat na pagkakataon ay muling magko-krus ng landas ang dalawang mahigpit na magkaribal matapos ang pamamayagpag ni Baby Asistio bilang matagal na representante ng pangalawang distrito.
Kumbaga sa boxing, 1 win – 2 loses si cajayon kumpara sa 2 wins – 1 loss na kartada ni Erice patungo sa tetralogy o ika-apat nilang paghaharap sa May 2025 midterm election.
Si Cajayon ay former Caloocan beauty queen na kinuha ni Erice sa kanyang councilor line up nang unang kumandidatong punong lungsod noong 2004 election.
kung tama ang aking memorya, nahalal na 2nd district top councilwoman si Cajayon sa naturang eleksyon na napagwagian ni Recom Echiverri bilang city mayor katunggali si Erice.
Sa lahat ng aspeto walang itulak kabigin sa kanila dahil parehong winnable kaya lang sa bawat laban ay may nananalo at natatalo.
Sa tagal na nating nakasubaybay sa takbo ng pulitika sa Caloocan, ang tingin natin ay mahigpit na 50/50 ang tsansa o tabla ang labanang Erice at Cajayon.
Pero sa Caloocan na itinuturing na ‘game changer’ ang political backing ng mga Malapitan, ito ay masamang balita para kay Erice nguni’t good news kay Cajayon.
Sina Cajayon at Erice ay hindi kaalyado pero between the two ang napipisil nina Mayor Along at Cong. Oca Malapitan na iindorso ay ang Mutya winner turned congress member.
Habang papalapit ang eleksyon ay painit nang painit ang pulitika sa Caloocan. Abangan.