Home HOME BANNER STORY Inter-agency rescue, medical aid, relief ops, iniatas ni PBBM sa Cebu quake

Inter-agency rescue, medical aid, relief ops, iniatas ni PBBM sa Cebu quake

281
0

MANILA, Philippines – KAAGAD na kumilos ang mga ahensiya ng gobyerno para tumugon sa kinalabasan ng 6.9-magnitude earthquake na tumama sa Cebu, Martes ng gabi.

Sa katunayan, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iprayoridad ang search and rescue, medical assistance, at relief operations sa mga apektadong komunidad.

Sa report ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla kay Pangulong Marcos, sinabi nito na ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) ay kasalukuyan nang nasa ground, pinangungunahan ang search and rescue operations habang tinitiyak ang kaayusan sa apektadong mga lugar.

Inatasan din ang PNP na pangunahan ang pagpigil sa pagnanakaw at panatilihin ang kapayapaan at seguridad.

Samantala, kinumpirma naman ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na ang medical teams mula sa Cebu South Medical Center at Eversley Childs Sanitarium and General Hospital ay dineploy na para asikasuhin ang mga nasugatan at magbigay ng emergency care.

Ipinadala naman ng Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Philippine Coast Guard (PCG), ang BRP Teresa Magbanua kasama ang mga doktor, nars, medics, at emergency supplies para suportahan ang disaster response.

Gayundin, ang PCG ay nag-deploy ng walong search-and-rescue K9 teams at pinalakas ang inter-agency operations sa gumuhong istruktura.

Upang tugunan ang pangangailangan para sa malinis na tubig, naghahanda ang PCG na mag-deploy ng water desalination systems sa northern Cebu, kung saan ang mga ospital at evacuation centers ay nakararanas ng kakapusan dahil sa napinsalang pipelines.

Iniulat naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang DSWD ay naghanda na ng 300,000 family food packs sa Cebu, nakahanda para sa agarang pamamahagi sa apektadong pamilya.

Patuloy na ina-assess ng mga awtoridad ang situwasyon habang inaasahan ang aftershocks.

Kasabay nito, pinaigting ang relief and rehabilitation efforts upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga komunidad sa northern Cebu at iba pang quake-hit areas. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here