MANILA, Philippines – Dapat magbuo ang pamahalaan ng inter-agency na magtutulungan sa lahat ng reclamation projects sa buong bansa upang tuluyan nang malutas ang lumalalang pagbaha sa maraming lugar partikular sa Metro Manila at karatig-bayan.
Iminungkahi ito ni Senador Alan Peter Cayetano sa ginanap na pagdinig ng badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2025 na uminit ang deliberasyon sa pagbaha sa kabila ng may mahigit 5,500 flood control projects na naipagawa ng administrasyon.
Sa kanyang rekomendasyon, sinabi ni Cayetano na dapat bumuo ng isang inter-agency committee na kinabibilangan ng DPWH, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Department of Science and Technology (DOST) at Department of Information and Communication Technology (DICT) na susuri sa lahat ng reclamation projects.
Aniya, kailangan munang suriin at pag-aralan ng komite ang anumang reclamation projects bago aprubahan upang matiyak na hindi magiging sanhi ito ng pagbaha tulad ng nangyayari ngayon.
“I know investor confidence is important. Ayaw naman natin na mai-approve [ang project], i-po-postpone, i-a-approve ulit, iimbestigahan, i-di-disapprove. On the other hand, every time there’s massive flooding like this, someone throws the question: ito bang reclamation ang may problema?” aniya.
Pahayag ng senador, hindi siya todo kontra sa pagtatayo ng reclamation site pero kailangang tiyakin ng gobyerno na bago pa man maitayo, walang perwisyong maidudulot ito sa kapaligiran.
“I’m not saying let’s stop the reclamations. I’m just saying if the government is going to say yes, let us be very firm sa regulation na y’ung best engineering, environmental, architectural urban planning ay i-implement natin doon,” giit ng senador.
Para magawa ito, kailangan ng kooperasyon sa pagitan ng naturang ahensiya upang makabuo ng makabuluhan at pinag-aralang plano na makabubuti sa bansa.
Sa kasalukuyan, bagama’t dumadaan muna sa DPWH ang mga reclamation project bago aprubahan upang suriinn kung may tatamaang flood control infrastructure, ang DENR ang pangunahing nangangasiwa nito.
Punto ni Cayetano, walang engineering expertise ang DENR para masuri nang mabuti ang lahat ng posibleng implikasyon ng isang istruktura sa katabing imprastruktura nito.
“Hindi ko alam kung technically capable ang DENR as far as the engineering aspects of the reclamation [are concerned],” pahayag niya.
“Usually, personally, I frown upon interagency coordination because it’s preferable for a single agency to be responsible. But in this case, when massive floods occur…it’s crucial to have inter-agency collaboration,” dagdag niya. Ernie Reyes