Home OPINION IPINASARA NOON, MAS NAMAMAYAGPAG NGAYON

IPINASARA NOON, MAS NAMAMAYAGPAG NGAYON

ISA akong ABS CBN loyalist o Kapamilya Forever kaya naman nang pwersahan itong ipasara ng administrasyong Duterte, sobra-sobra akong nalungkot.

Tandang-tanda ko, panahon noon ng pandemya, may 11,000 manggagawa ng kompanyang ito ang nawalan ng trabaho na hindi naisa alang-alang.

Datapwa’t kahit nag-apply ng bagong prangkisa ay patuloy na pinagkaitan at ibinigay pa sa iba ang kanilang dating frequency.

Dapang-dapa na ang ABS CBN subali’t unti-unting bumangon sa pamamagitan nang pakikipag-collab sa iba’t-ibang media platforms mula sa social media, cable networks at television stations.

Ang Zoe TV 11 ni Bro. Eddie Villanueva ang unang nagbukas sa kanila ng pintuan sa tawag na A2Z 11. Pagdaan ng panahon ay sumunod na nagbukas sa kanila ay ang TV 5 at last year 2023 nga ay pinatuloy na rin sila ng dating kakumpitensyang GMA 7.

Isang patunay na rito ay ang pormal na makasaysayang anunsyo ng ABS-CBN Corp. at GMA Network sa pagpapalabas ng noontime variety show na “It’s Showtime” sa GMA mula Lunes hanggang Sabado, alas-12 ng tanghali hanggang alas-2:30 ng hapon, simula Abril 6, 2024, Sabado.

Ang naganap na anunsyo ay pinangunahan ng mga executive ng GMA Network at  mga kumakatawan naman sa ABS-CBN.

Syempre pa, naroroon din ang mga host ng “It’s Showtime” na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Karylle, Amy Perez, Teddy Corpuz, Jugs Jugueta, Darren, Ryan Bang, Ion Perez, Jackie Gonzaga, MC, Lassy at Cianne Dominguez.

Dahil sa malugod na pagtanggap, masaya rin at taos-pusong pasasalamat naman ng ibinigay ng  ABS CBN at It’s Showtime sa GMA7 dahil sa pambihirang kaganapang ito na noon ay parang imposibleng mangyari ngunit ngayon ay posible pala.

Patunay lamang ito na sa pananalangin at pagtitiwala sa Diyos, sa kabila ng mga pagsubok, ang lahat ng problema ay kayang malagpasan sapagkat ang imposible sa tao ay posible pa rin sa Diyos.