Home OPINION CARITAS PHILIPPINES MAY PANGAMBA SA PAGKANSELA NG DENR SA KASUNDUAN

CARITAS PHILIPPINES MAY PANGAMBA SA PAGKANSELA NG DENR SA KASUNDUAN

SINABI ni Bishop Gerardo Alminanza, DD ng Diocese of San Carlos at vice president ng Caritas Philippines na siyang social action and advocacy arm ng Simbahang Katolika na lubhang nababahala ang organisasyon sa napipintong pagkansela ng DENR o ng Department of Environment and Natural Resour­ces sa kasunduang pinasok nito kaugnay sa Masungi Georeserve Project.

Pagbibigay-riin ng Obispo, ang pinaplanong hakbang ng DENR ay “unwise and would be detrimental to environmental protection efforts”.
Dagdag pa niya, ang pamahalaan ay dapat na sumusuporta sa mga inisyatiba na nakatutulong sa pagbibigay proteksyon sa kalikasan at kapaligiran at hindi humahadlang sa mga ito.

Sa pagdinig sa Senado kamakailan ay sinabi mismo ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang rekomendasyon ng DENR na kanselahin ang kasunduan sa Masungi Georeserve Foundation, Incorporated.

Paliwanag ng kalihim, simula noong taong 2017 na pumasok ang DENR at ang organisasyon sa kontrata para sa konserbasyon ng protektadong lugar ay “void” na umano ito at walang bisa.

Ang Masungi Georeserve ay isang conservation area na may lawak na 2,700 hectares na matatagpuan sa katimugang bahagi ng Sierra Madre mountain range partikular sa Baras, Rizal.

Para kay Bishop Alminanza, mukhang mas kinakampihan ng DENR ang large-scale fraudulent claimants, land grabbers, mga nagsasagawa ng quarrying activities, at mga swimming pool resorts kaysa sa kalikasan at sa kaligtasan ng tao.

Naniniwala ang Masungi Georeserve Foundation na ang hakbang ng kagawaran ay pag-iwas na paalisin ang mga luma­lapastangan at banta sa kaligtasan ng protected area na may kapit sa malalakas na opisyal ng gobyerno.

Payo ng Obispo sa DENR, imbes na kanselahin, magkaroon ng pag-uusap at ayusin ang kasunduan.

Ang tanong ng karamihan, ano na raw binabalak ng DENR?  May nagawang hindi kanais-nais o may violation ang organisasyon? Hindi ba nila nasunod kung ano nakasaad sa kontrata para sa konserbasyon ng protektadong lugar?

Kasabay nito ay nanawagan si Bishop Alminanza sa publiko na manindigan at ipaglaban ang preserbasyon ng Masungi Geopark Project.