MANILA, Philippines- Bukas ang floodgates ng Ipo, Ambuklao, at Binga dams hanggang nitong Sabado ng umaga upang magpakawala ng tubig matapos ang ilang araw ng malakas na pag-ulan, batay sa datos ng PAGASA.
Kaninang alas-6 ng umaga, isang gate ang bukas ng 0.30 meter sa Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan.
Ang reservoir water level (RWL) sa Ipo Dam ay 100.95 meters na malapit na sa 101-meter normal high water level (NHWL) o spilling level.
Samantala, apat na gate ang bukas ng 2 meters sa Ambuklao Dam sa Benguet.
Ang RWL ng dam ay 751.94 meters nitong Sabado ng umaga, na malapit na rin sa 752-meter NHWL.
Sa Binga Dam sa Benguet, anim na gate na may 3.0-meter opening ang naiulat nitong Sabado ng umaga.
Ang RWL sa Binga Dam ay 574.95 meters kaninang alas-6 ng umaga na malapit na sa 575-meter NHWL.
Samantala, tumaas ang water level ng iba pang dam sa Luzon nitong Sabado matapos ang ilang araw ng pag-ulan dahil sa Southwest Monsoon (Habagat) na pinalakas ni Bagyong Hanna at dalawa pang tropical cyclones sa labas ng Philippine Area of Responsibility:
Angat Dam: 200.48 meters
La Mesa Dam: 79.67 meters
San Roque Dam: 255 meters
Pantabangan Dam: 191.80 meters
Dalawang Luzon dams lamang ang nakapagtala ng pagbaba ng lebel ng tubig nitong Sabado:
Magat Dam: 178.46 meters
Caliraya Dam: 286.34 meters