Home HOME BANNER STORY Iran ‘di hihinto sa oil blockade, missile attacks

Iran ‘di hihinto sa oil blockade, missile attacks

265
0

IRAN — Nagbanta ang Iran na hindi papayagang makalabas ang kahit “isang litro ng langis” mula sa Middle East kung magpapatuloy ang mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa kanilang bansa.

Ayon sa Islamic Revolutionary Guards Corps, mananatili ang oil blockade at mga missile attack bilang tugon sa patuloy na airstrikes ng dalawang bansa.

Nagbabala naman si US President Donald Trump na mas matinding pag-atake ang gagawin ng Amerika kung haharangin ng Iran ang daloy ng langis sa Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinaraanan malaking bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo.

“If Iran does anything that stops the flow of oil within the Strait of Hormuz, they will be hit by the United States twenty times harder,” ani Trump.

Batay sa ulat ng Iranian ambassador sa United Nations, hindi bababa sa 1,332 sibilyan na ang nasawi at libu-libo ang sugatan mula nang magsimula ang malawakang air at missile strikes ng US at Israel sa Iran noong katapusan ng Pebrero.

Iginiit ng Iran na sila ang magtatakda kung kailan matatapos ang digmaan.

“We are the ones who will determine the end of the war,” ayon sa tagapagsalita ng Revolutionary Guards.

Samantala, halos isang linggo nang naapektuhan ang operasyon sa Strait of Hormuz kung saan maraming oil tanker ang hindi makadaan, dahilan upang mapilitan ang ilang producer na ihinto ang produksiyon dahil napupuno na ang mga storage facility.

Dahil dito, umakyat nang malaki ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bago muling bumaba matapos ang mga pahayag ni Trump na posibleng mabilis ding matapos ang digmaan.

Ikinababahala rin sa Estados Unidos ang pagtaas ng presyo ng gasolina, lalo na’t papalapit ang midterm elections sa Nobyembre kung saan target ng mga Republican na mapanatili ang kontrol sa Kongreso.

Sa survey ng Reuters/Ipsos, 67 porsiyento ng mga Amerikano ang naniniwalang tataas pa ang presyo ng gasolina sa mga susunod na buwan, habang 29 porsiyento lamang ang sumusuporta sa kasalukuyang digmaan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here