MANILA, Philippines – Arestado ang isang Iranian national na nambiktima ng kanyang kalahi sa pamamagitan ng pagbebenta ng pekeng ginto na nagkakahalaga ng ₱18.6 milyon Biyernes ng gabi sa Makati City.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati CPS Investigation and Detective Management Section (IDMS) ang suspek na kinilalang si alyas Saeid, 32, gold and watch seller.
Base sa report ng Makati City police kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco, naakipagtransaksyon ang suspek sa biktima na kanyang kaibigan at kababayan bandang alas 11:10 ng gabi sa isang opisina sa loob ng isang hotel sa lungsod paara sa pagbebenta ng 60 piraso ng di-umanoý bara ng ginto sa halagang ₱18,660,000.
Makaraang maibigay ng biktima ang pera ay iniabot naman ito ng suspek sa kanyang kasabwat kapalit ng kulay itim na hard lock case na naglalaman ng di-umanoý bara ng ginto at ng palsipikadong certificates of authenticity nito.
Nakaraang isailalim sa eksaminasyon at inspeksyon ay nadiskubre ng biktima na peke ang bara ng ginto na ibinenta sa kanya ng suspek kung kaya’t agad nitong kinompronta ang huli at pilit na pinapabalik ang kanyang ibinayad na pera.
Sa pagkakataong ito ay bumunot ng isang kalibre .9mm na Smith & Wesson pistol ang suspek kung saan nagpambuno ang dalawa at namayani ang biktima na nakaagaw ng baril bago pa man dumating ang mga rumespondeng pulis na nagdulot ng pagkakaaresto nito.
Narekober sa posesyon ng suspek ang hard lock case, 60 piraso ng pekeng bara ng ginto, 60 palsipikadong certificates of authenticity, isang hindi lisensyadong .9mm Smith and Wesson pistol na may magazine at kargado ng pitong bala, gold solution, testing stone, weighing scale, at iPhone 16 Pro Max.
Nahaharap sa patung-patong na kasong swindling, grave threat, grave coercion, Article 172 of RPC, at paglabag sa R.A. 10591 (illegal possession of firearm and ammunitions) ang suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.
“This accomplishment demonstrates the Southern Police District’s commitment to aggressively pursue individuals involved in fraudulent activities and other criminal offenses. We assure the public that SPD remains steadfast in protecting the community and ensuring that offenders are held accountable under the full force of the law,” ani Cinco. (James I. Catapusan)