Home NATIONWIDE Iregularidad sa SHS voucher program, aaksyunan ng DepEd

Iregularidad sa SHS voucher program, aaksyunan ng DepEd

341
0

MANILA, Philippines – Maghahain ang Department of Education (DepEd) ng humigit-kumulang isang dosenang kaso kaugnay ng mga “ghost students” sa Senior High School Voucher Program matapos matukoy ng Commission on Audit (COA) ang mga iregularidad mula 2022 hanggang 2024.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, may pitong kasong pending na at may labindalawa pang kaso na malapit nang ihain.

“Nag-file kami ng cases several months ago, actually,” ani Angara.

“We have seven pending cases and, I think, isang dosena pa iyong under investigation na malapit nang i-file,” dagdag niya.

Sinabi ni Angara na binago na ng DepEd ang sistema upang maiwasan ang dobleng tala at mga hindi totoong estudyante, kabilang ang mas mahigpit na beripikasyon ng enrollment at learner number bago magbayad ng voucher.

Noong nakaraang taon, nakatipid ang gobyerno ng mahigit P50 milyon matapos ihinto ang voucher release sa 12 pribadong paaralang napatunayang hindi umiiral.

Samantala, inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) na naglaan ito ng P634 milyon para sa Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program (BPMSP), na magbibigay ng tuition at stipend sa mga kwalipikadong estudyante mula sa low middle class income families.

Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, maaaring makatanggap ng humigit-kumulang P58,000 kada taon ang scholars sa state universities, hanggang P208,000 sa mga pribadong paaralan sa NCR, at hanggang P93,000 sa mga pribadong paaralan sa labas ng Metro Manila.

May hiwalay ding P7.8 bilyon para suportahan ang free higher education ng mga state colleges at universities.

Kaugnay nito, iniulat din ng COA ang mahigit P295 milyon na overpayments sa Free Higher Education program ng CHED dahil sa billing errors at kakulangan sa kontrol. Inatasan ang CHED na bawiin ang sobra at higpitan ang validation at monitoring ng pondo. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here