Home NATIONWIDE Isa pang ‘Luffy gang’ member nasakote sa Laguna

Isa pang ‘Luffy gang’ member nasakote sa Laguna

NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na umano’y nauugnay sa kilalang ‘Luffy’ gang sa isinagawang operasyon nitong Lunes sa San Pablo City, Laguna.

Kinilala ng BI ang suspek na si Sasaki Takashi, 43, ay inaresto ng mga operatiba ng BI sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police Intelligence Group (PNP-IG) at San Pablo City Police Station sa isang tirahan sa Savana Village, San Pablo City.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, si Takashi ay isang undesirable alien na nagdudulot ng malaking panganib sa kaligtasan ng publiko.

“Takashi is a fugitive from justice wanted by the Japanese government for theft and fraud, targeting vulnerable individuals,” ani Viado.

“His presence in the Philippines endangers our communities and undermines our commitment to maintaining security and order,” dagdag ng opisyal.

Nabatid sa BI na isang Warrant of Arrest ang inisyu laban kay Takashi ng Tokyo Summary Court noong Enero 2023 para sa mga paglabag sa Penal Code ng Japan.

Ang mga ulat mula sa mga awtoridad ng Japan ay nagpapahiwatig na siya at ang kanyang mga kasabwat ay nagnakaw ng mga ATM card at impormasyon ng bangko mula sa mga matatandang biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga tagapagpatupad ng batas o mga opisyal ng pananalapi na nagsasagawa ng mga pekeng pagsisiyasat.

Sa isinagawang karagdagang pagsisiyasat, natuklasan na si Takashi ay miyembro umano ng grupong ‘Luffy’, isang kilalang sindikato ng krimen sa Japan na iniulat na nagpapatakbo ng telecom fraud at extortion scheme sa Pilipinas.

“This arrest underscores the importance of cooperation between law enforcement agencies in protecting the public from transnational crimes,” paliwanag ni Viado.

“We will continue to strengthen our partnerships with both local and international agencies to ensure that the Philippines does not become a haven for fugitives,” ayon pa sa BI chief.

Ang suspek ay ililipat sa Bureau of Immigration Warden Facility (BIWF) at mananatili doon bago i-deport. JR Reyes