MANILA, Philippines – Naaresto na ng pulisya ang isa pang aktibong pulis na kabilang sa mga akusado sa umano’y staged operation sa P6.7-billion drug haul sa Maynila noong 2022, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Pebrero 3.
Sa press briefing, kinilala ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo ang naaresto na si Police Staff Sergeant Arnold Tibay.
“Walo na lang po yung at-large dahil may isa pa po tayong nahuli noong January 31. Yung isa po roon sa active PNP personnel ay nahuli na po at ngayon po ay nasa kustodiya po ng [Criminal Investigation and Detection Group],” ani Fajardo.
Nasa kabuuang 21 aktibo at dating pulis ang naaresto na sa pagkakaugnay sa kontrobersyal na anti-drug operation noong 2022.
Naghain na ng mga reklamo ang panel ng prosekusyon sa 30 pulis sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa 30 sinampahang indibidwal, naisyu na ang arrest warrants sa 29 sa kanila.
Kabilang sa mga nilabag umano ng mga pulis ay ang pagtatanim ng ebidensya, at delay o pakikialam sa imbestigasyon sa mga kaso.
Ayon kay Fajardo, isa pang arrest warrant ang inisyu laban sa mga suspek para sa misappropriation ng mga illegal na droga na nasamsam sa operasyon.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagkakahuli ng mga awtoridad kay Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. matapos makuhanan ng 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa operasyon noong 2022.
”The incident material to this criminal violation pertains to the bogus hot pursuit operation against Mayo where he was allegedly caught with two kilograms of shabu at Quezon Bridge,” sinabi ng panel sa isang resolusyon.
“As earlier discussed, this was merely concocted and staged with the intention of remedying the previous botched anti-drugs operation against Mayo, after realizing that he must not be set free,” dagdag pa. RNT/JGC