MANILA, Philippines – Tutugon ang Simbahan laban sa mga pari na sangkot sa katiwalian lalo na sa usapin ng sexual abuse sa kabataan at mahihinang sektor ng lipunan.
Sinabi ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Vice Chairperson ng Catholic Bishop Conference of the Philippines on the Minors and Vulnerable Persons na iginagalang nito ang proseso ng korte na kasalukuyang nagsasagawa ng pagdinig sa kaso ng mga paring sangkot sa pang-aabuso at hinihintay ang resulta ng imbestigasyon bago maisapubliko.
Ayon kay Bishop Alminaza, agad isasapubliko ng Simbahan para sa kabatiran ng nasasakupan ang kahihinatnan ng imbestigasyon at kapag may hatol ang korte laban sa pari.
Dagdag pa ng Obispo na sinusunod nila ang victims first policy kung saan tinutulungan ang mga biktima ng pang-aabuso.
Nanindigan ang opisyal na bagamat may ibang mga biktima ang hindi nagpapatuloy sa pagsampa ng reklamo ay pinag-aaralan ng simbahan ang kaso at nagkakaroon ng imbestigasyon na kung mapapatunayang guilty ang isang pari ay papatawan ito ng parusa alinsunod sa isinasaad ng canon law at kung inosente naman sa reklamo ay magkakaroon ng reparation para sa nasirang reputasyon.
Ayon pa kay Bishop Alminaza, “Kahit yung processes to coordinate, to cooperate with the civil government or Philippine courts para mag-inquire ng procedure at guidance sa Philippine laws careful din kami kasi that can even be also misinterpreted as parang we are trying to broker or parang mag-influence ng mga desisyon using the weight of our authority in favor of the priest.”
Humingi ng paumanhin at pang-unawa si Bishop Alminaza sa mga biktima ng pang-aabuso at hinimok ang mamamayan magtulungang idulog sa mga nararapat na tanggapan ang mga pang-aabusong kinasasangkutan ng mga pari at iba pang lingkod ng simbahan dahil ito ay bahagi ng tungkulin at pananagutan bilang mga pastol ng simbahang katolika. Jocelyn Tabangcura- Domenden