Home OPINION “ISANG LINGGONG SERBISYO” IPAGKAKALOOB NG PCSO ANG MEDICAL ASSISTANCE

“ISANG LINGGONG SERBISYO” IPAGKAKALOOB NG PCSO ANG MEDICAL ASSISTANCE

186
0
Target ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na opisyal na simulan ang implementasyon ng pinakabago nitong programang “Isang Linggong Serbisyo” ngayong buwan ng Agosto 2024. Ito ang ibinahagi ni board director Imelda Pa­pin nang makapanayam ng media sa kanyang tanggapan sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City nitong July 23, 2024.
Dati-rati, problema ng mga kaanak ng pasyenteng nasa mga ospital kapag sasapit ang Sabado at Linggo dahil mula Lunes hanggang Biyernes lamang ang pasok sa tanggapan ng PCSO. mababawasan na ang pag-aalalang ito dahil buong Linggo na ang serbisyong ipagkakaloob nito partikular sa Medical Assistance Program (MAP). Maaari nang magproseso at makuha ang guarantee letter (GL) na nababawas sa kabuuang medical bills ng isang pasyente kahit pa weekend.
Ayon kay Director Papin “Dumaragdag sa alalahanin ng pasyente at kanyang pamilya kapag weekends nataon ang discharge ng pasyente dahil nangangahulugan ito ng adisyunal na gastos. Alam naman natin na bawat piso ay mahalaga sa isang pamil­yang mayroong maysakit. Kaya noong ako ay nanumpa mismo kay Pangulong BBM ay sinabi ko sa kanya ang aking plano na ipapaapruba sa board. natuwa siya sabay sabing gawin mo ‘yan sa lalong madaling panahon, marami ang makikinabang diyan.”
Sa kasalukuyan, nasa pilot stage na ang “Isang Linggong Serbisyo” para maging akma ang ilalabas na mekanismo ng PCSO kaugnay sa implementasyon ng programa. Hindi lamang kasi ito gagawin sa Metro Manila kundi sa lahat ng mga lalawigan at lungsod na mayroong PCSO branch office. Hango ang titulo ng proyekto sa popular na kantang “Isang Linggong Pag-ibig” ni Director Papin.
Ang MAP ay ang pinansiyal na tulong ng PCSO sa mga may karamdaman at saklaw ang confinement, dialysis injection (Erythropoietin), hemodialysis, chemotherapy drugs, radiation therapy, specialty medicines, laboratory diagnostics and imaging results, implant and medical devices, at catastrophic illnesses.
Sa pinakahuling datos ng charitable institution, nitong April 2024 ay umabot sa 54,721 na pasyente ang natulungan sa MAP na katumbas ng halagang Php 309.04 million.
Bahagi ito ng 50 percent ng naiiwang Charity Fund sa PCSO dahil ang 50 percent ay nire-remit sa Philippine Health Insu­rance Corporation alinsunod sa probisyon ng Universal Health Care Law.
Kaya nanawagan si Director Papin na patuloy na tangkilikin ang Lotto games na Ultra Lotto 6/58, Grand Lotto 6/55, Super Lotto 6/49, Mega Lotto 6/45, Lotto 6/42, E-Lotto, at digit games, gayundin ang Small Town Lottery (STL), at ang scratch it, kaskaswerte.
Isaisip na “Hindi kayo nagsusugal kapag tumataya kayo sa mga laro ng PCSO, kundi kayo ay tumutulong sa kawanggawa”, ani Director Papin.
Noong June 4, 2024 itinalaga ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. si Papin bilang isa sa mga board of directors ng PCSO. Siya ay nagsilbing vice governor ng Camarines Sur mula 1998 hanggang 2004 at 2019 hanggang 2022.
Binabansagan bilang “Sentimental Songstress” na nagpasikat ng mga awiting “Bakit? (Kung Liligaya ka sa Piling ng iba), “Iniibig ko ang Iniibig mo”, “Kaligayahan mo’y Kaligayahan ko rin”, “Sabik”, at “Isang Linggong Pag-ibig”, at marami pang iba.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here