Home METRO Iskedyul ng voter registration sa iba’t-ibang lugar sa Paranaque, kasado na

Iskedyul ng voter registration sa iba’t-ibang lugar sa Paranaque, kasado na

MANILA, Philippines – Inihayag ng Parañaque City Commission on Elections (Comelec) District I ang mga lugar kung saan nakatakdang isagawa ang voter registration simula Pebrero 12 hanggang 24.

Sinabi ng lokal na Comelec na sa Pebrero 12 ay sisimulan ang pagsasagawa ng voter registration sa Redemptorist Church sa Barangay Baclaran at sa susunod na araw ng Pebrero 13 at 14 ay isasagawa naman ito sa Parañaque City Sports Complex.

Sa Pebrero 15, ang pagsasagawa ng voter registration ay gaganapin sa Comelec District I Office ng lungsod at simula ng Pebrero 16 hanggang 24 ay magaganap ang pagsasagawa ng voter registration sa Paranaque Sports Complex.

Ayon pa sa Comelec, ang uri ng aplikasyon na nasasakupan ng voter registration ay ang mga bagong magpaparehistro; paglipat mula sa ibang lungsod, munisipalidad at distrito; pagtatama ng mga detalye o change of status; muling pagpapaaktibo ng registration records; pagsama ng detalye sa registration records at pagbabalik ng pangalan sa listahan ng mga botante; paglipat ng registration records mula foreign service post pabalik sa lokal; at pag-update ng records ng mga persons with disabilities (PWDs), senior citizens at miyembro ng indigenous peoples (IP) o Indigenous Cultural Communities (ICCs) gayundin ang mga persons deprived of liberty (PDLs).

Dagdag pa ng Comelec na ang mga residente ng lungsod ay maaaring magpadala ng mensahe o dili kaya ya i-follow ang Facebook page ng Parañaque Public Information Office (PIO) at ng Comelec District 1 & II para sa karagdagang detalye at impormasyon. James I. Catapusan