BAGAMA’T malayo pa ang halalan, masaya akong malaman sa mga umuugong na balita na muli raw tatakbo sa pagkaalkalde ng Lungsod ng Maynila si dating Mayor Francisco Domagoso, a.k.a Isko Moreno.
Aba’y masaya dahil talaga nga namang masayang makita na “magbabanatan” sa arena ng pulitika ang dating magkakampi na sina incumbent Mayor Honey Lacuna at ex-Mayor Isko.
Magbabanatan, as in, wala namang naglaban sa halalan na nagsabi nang mabuti ang isang kandidato sa kanyang katunggali.
Pihadong magsisiraan o magwawakwakan sina Honey at Isko kapag nagkatuluyan.
Pabor naman ito sa mga kagaya kong batang Maynila dahil dito malalaman kung sino sa kanilang dalawa ang “nagkamal” lang sa kapangyarihan, gamit ang salitang “public service”.
Sa totoo lang, maraming naplastikan sa sinabi ni Mayora Honey na nananatili ang pagmamahal niya kay Yorme Isko bilang “kapatid”.
Ang tawag nga niya sa pagmamahal kuno niya kay Isko eh, “siblings love”. Acheche! E ‘di wow!
E kasi, alam naman nating sa pulitika, lalo kapag panahon ng eleksyon, ay walang kai-kaibigan o kapa-kapatid.
Sabi nga, walang permanenteng kaibigan. Ang permante lang ay ang kanya-kanyang interes ng mga politiko para sa kanilang mga “negosyo”.
Mukhang “kinakabahan” na si Honey sa posibleng pagbabalik ni Isko sa 2025 mayoralty race dahil matindi pa ang asim ni Yorme sa mga Manilenyo.
Maraming humihimok sa kanya na bumalik sa city hall sa pagsasabing naging dugyot na naman daw kasi ang lungsod sa kamay ni Lacuna. Me ganun?
Pero ayon kay Honey, habang maaga ay ikonsidera ni Isko ang planong pagbabalik sa Manila City Hall.
Ikonsidera, meaning, mag-isip-isip muna ng maraming beses si Isko bago siya kalabanin at “baka maghalo ang balat sa tinalupan”.
Bwar, har, har. Ang saya ‘di ba?
Sa tono nang sinabing ito ni Honey, tila baga marami siyang ilalabas laban sa kanyang makakatunggali.
Sa aking palagay, mukha namang nakahanda si Yorme Isko kapag naggiyera-patani na sila ni Honey sa susunod na taon.
Napakaganda ng puwesto ni Isko sa bawat survey para sa mga potential winner sa senatorial race.
Ang kaso, tila wala siyang interes na maging senador. Ang itinatakbo ng kanyang mga galawan ngayon ay patungo sa Manila City Hall.
May nakalap tayong tsismis na “ipinasyal” daw ni Yorme ang mga barangay chairman at kagawad sa isang resort sa Batangas at pagkatapos ay “walang umuwing luhaan”. “Etneb” ang inihatag sa mga “letserman” at “kosing” sa mga “ngangawad”. Ahihihi! Sabi ko nga, tsismis lang ito.
Sa totoo lang uli, maraming nagsasabi na dapat daw bumalik si Isko bilang mayor ng Maynila dahil napababayaan na naman umano ang lungsod.
Mantakin nyo, mailagay ba naman ngayon ang Maynila na ika-5 sa pinakamapanganib na lungsod “out of 60 international cities” para sa mga dayuhang turista.
Ayon sa global online platform Forbes Advisor, napakamapanganib ang Lungsod ng Maynila na siya pa namang capital ng Pilipinas, pagdating sa usapin ng crime, personal security, health security, infrastructure, at digital security risks.
Ang saklap at ang bantot dahil ang ibinigay na total score sa Maynila out of 100 ay 91.49.
Sanamagan!






