MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ng suporta ang malaking grupo ng transportasyon sa kandidatura ng nagbabalik alkalde sa lungsod ng Maynila na si dating Mayor Isko Moreno Domagoso gayundin ang katambal nito na si Chie Atienza para sa nalalapit na 2025 midterm election.
Sa pahayag ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Rodelio Sotto, ang matatag na liderato, maayos na pamamahala, at dedikasyon sa pagkakaloob ng serbisyo ang dahilan upang suportahan nila ang dating alkalde, sampu ng kanyang mga kinatawan sa kongreso at konsehal ng anim na distrito ng Maynila.
Nang maupo aniya bilang alkalde si Mayor Isko, nagawa niyang maiparamdam sa mamamayan na may gobyerno sa Maynila dahil nilinis niya ang mga lansangan, partikular ang Divisoria, na sa napakahabang panahon ay walang sinumang alkalde ang nakagawa.
“Si Mayor Isko, noong siya ay naging Mayor, naibigay po ni Mayor ang gobyerno sa ating mamamayan. Nagkaroon po ng gobyerno ang Maynila,” ani Sotto.
Personal din aniya nilang nasaksihan kung paanong personal na pangasiwaan ni Yorme ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa Maynila kahit sa dis-oras ng hatinggabi.
“Saan ka nakakita ng Mayor, natutulog ang mga anak mo, ang Mayor natin nag-iikot sa Maynila nang madaling araw. Iyan po ang Mayor na talagang pinakikita ang pagmamahal sa kanyang constituent,” sabi pa ni Sotto.
Ipinaliwanag niya na nakarating sila, kasama ang mga opisyal at lahat ng miyembro, sa iisang pagpapasiya na suportahan ang buong tiket ni Domagoso matapos aniya nilang ikumpara ang kanyang pamumuno sa kasalukuyang administrasyon.
“‘Yun po ang nami-miss ng taumbayan, lalo na po sa amin. Kasi, sa ngayon, wala po talaga. Nakita naman po natin,” giit pa ni Sotto.
Dahil sa ginawang pag-endorso ng FEJODAP sa buong tiket ni Domagoso, nagpalakas ito sa kanilang kandidatura sa sektor ng transportasyon lalu na’t kabilang sa kanilang pangako ang maayos na pamamahala, serbisyo at kapanatagan ng loob ng mamamayan. JR Reyes